519 total views
Ito ang mensahe ni Apostolic Vicariate of Puerto Princesa Palawan Bishop Socrates Mesiona sa mga mananampalataya ngayong ipinagdiriwang ang kapanganakan ng Panginoong Hesus.
Ayon sa Obispo, maaga ang pagdiriwang ng kapaskuhan sa Pilipinas, dahil sa pananabik ng mga tao sa panahong ito.
Sinabi ni Bishop Mesiona na maraming tanda o simbolo na nagpapaalala sa bawat tao, at nagpaparamdam ng diwa ng kapaskuhan.
Kabilang na dito ang mga palamuting parol, belen at makukulay na ilaw , mga regalo, mga awting pamasko, simbang gabi o misa de gallo at mga batang namamasko.
“Ang buhay mo ay magiging awit-pamasko kung makikita ng iba na ikaw ay nagdadala ng kaligayahan. Ikaw ay magiging makulay na palamuti kung ang iyong magagandang halimbawa ay nagbibigay ng inspirasyon sa iba. Ikaw ay maging isang parol kung ang iyong buhay ay magbibigay ng liwang sa iba sa pamamagitan ng iyong kabaitan, pagtulong at pagmamalasakit sa kapwa. Ikaw ay maging isang regalo kung bukas ang iyong puso na magbigay sa mga kapus-palad. Ikaw ay simbang gabi kung handa kang magsakripisyo para sa ikabubuti ng kapwa, para sa ikabubuti ng ating bayan, ng ating lipunan.” pahayag ni Bishop Mesiona.
Naniniwala ang Obispo na ang mga ito ay simbolo lamang na nagpapaigting sa diwa ng kapaskuhan subalit ang mga tao ay maaaring maging buhay na simbolo ng pasko kung maisasabuhay ng bawat isa ang tunay na dahilan ng pagdating sa sanlibutan ng Panginoong Hesukristo.
“Marami tayong paghahandang ginagawa, mga simbolo upang maramdaman natin, maalala natin ang Panginoong nakasama natin. Ngunit sa lahat ng mga paghahanda, ang mga simbolong ito na naging bahagi ng ating buhay, tayo mismo ay magiging simbolo ng pasko kung maisabuhay natin ang tunay na pagparito nga ng ating Panginoong Hesukristo.” Dagdag pa ni Bishop Mesiona