276 total views
Ayon kay Laoag Bishop Renato Mayugba, nararapat magkaisa ang mamamayan sa paghiling sa Diyos para sa pagkakasundo tungo sa pagkamit ng mapayapang lipunan.
Ang mensahe ng Obispo ay kaugnay sa nalalapit na pagsalubong ng bagong taon kung saan gugunitain din ng Simbahan ang World Day of Peace.
“Ang aking panalangin sa buong mundo ngayon ay magkaroon sana tayo ng tunay na kapayapaan, kapayapaan na nanggagaling sa Diyos, hindi kapayapaan na nanggagaling sa putok ng baril at violence,” pahayag ni Bishop Mayugba sa Radio Veritas.
Ipinaliwanag ni Bishop Mayugba na ang tunay na kapayapaan ay bunga ng panalangin ng bawat mananampalataya at isang biyayang ipinagkaloob ng Panginoon sa sangktauhan.
Iginiit ng Obispo na ang kapayapaan ay hindi nakakamit sa pamamagitan ng karahasan kundi ang pangingibabaw ng katarungang panlahat, paggalang sa kapwa at pagkakawanggawa sa mga nangangailangan.
Batay sa pag-aaral ng World Health Organization, mahigit 1.6 na milyong indibidwal ang nasasawi bawat taon dahil sa iba’t-ibang uri ng karahasan sa mundo tulad ng mga digmaan.
Binigyang diin ni Bishop Mayugba na ang 2019 ay nakasentro sa pagninilay ng ebangelyo ni San Lukas na nakatuon kay Hesus na nagpapakita ng habag at awa sa sangkatuhan at naging sandalan ng mga makasalanan.
“Ang year 2019 ating susundin na cycle ay cycle C which is the Gospel of Luke na si San Lukas will be focusing Jesus as a merciful Savior na siyang kaibigan ng mga makasalanan,” ani ng Obispo.
Ibinahagi ni San Lukas sa kaniyang mga sulat ang pagpapatawad ni Hesus sa mga nagkakasala at pagbibigay kapayapaan sa mga taong tumatanggap sa Panginoong Tagapagligtas.