278 total views
Mga Kapanalig, katulad noong mga nakaraang taon, balót pa rin ng karahasan ang ating bayan ngayong 2018. Walang araw na hindi tayo nakarinig ng balita tungkol sa mga alitan, sakitan, at maging patayan. Ganoon na nga ba ka-normal ang karahasan sa ating lipunan?
Tatlong araw bago ang Pasko, pinatay si Ako Bicol party-list representative Rodel Batocabe habang dumadalo sa isang gift-giving activity malapit sa isang paaralan sa Daraga, Albay. Nasawi rin ang kanyang security escort. Hanggang sa araw na isinusulat ang editoryal na ito, pinaghahanap pa rin ang mga nasa likod ng krimen.
Noong umaga ng araw kung kailan pinatay si Ginoong Batocabe, isang dating alkalde sa Bukidnon ang binaril din. Pinatay siya ng mga hindi pa nakikilalang salarin habang papasakay sa kanyang kotse. Sa Taysan, Batangas naman, sa araw ding iyon, isang kapitan ng barangay ang pinagbabaril ng tatlong suspek habang siya ay nasa kanilang garahe. Naganap ang lahat ng pagpatay na ito sa loob lamang ng isang araw. (Hindi pa natin pinag-uusapan ang libu-libong iba pang napatay sa patuloy na pagpapatupad ng pamahalaan ng marahas nitong kampanya kontra droga at kriminalidad.)
Winawasak ng karahasan ang ating pamilya at lipunan. Sinisira nito ang buhay at angking dignidad ng tao, gayundin ang mga pangarap ng mga napapatay at ng kanilang mga mahal sa buhay. Maging ang ating pananampalataya, maaaring subukin sa gitna ng karahasang nakapalibot sa atin. May mga pagkakataong tila ba napaparalisa tayo sa harap ng laganap na karahasan at pagpatay sa ating paligid. Kung minsan, may mga taong pabor sa paggamit sa karahasan upang solusyonan ang mga nakikita nilang mali, at nagiging dahilan ito ng pagkakawatak-watak sa ating pamayanan at maging sa ating pamilya.
Wala tayong magagawa kundi ang kaharapin ang problema ng karahasan at putulin ang mga ugat nito. Isa itong obligasyon ng sinumang Kristiyanong pinahahalagahan ang buhay at dignidad ng kanyang kapwa-tao. Gayunman, hindi ito madali, lalo na kung ang mga inaasahan nating magpapatupad ng batas at magpapanatili ng kaayusan at kapayapaan sa ating kapaligiran ay kumikiling din sa karahasan. Hindi rin ito madali dahil tila ba ipinagdiriwang pa ang karahasan sa mga pelikula at palabas sa TV, maging sa mga awitin at sa mga libangang katulad ng video games. Nanunuot sa diwa natin ang karahasan.
Ngunit nagsisimula ang pagbasag sa kultura ng karahasan sa ating mga sarili. Nag-uugat ang karahasan sa ating kaibuturan kung saan umuusbong ang galit, pagkamuhi, kawalan ng pag-asa, at pagkamanhid—mga damdamin at disposisyong nagtutulak sa sinumang maging marahas sa kanyang kapwa.
Kaya’t ang pagtahak tungo sa landas ng kapayapaan ay nagsisimula sa pagtuklas sa ating personal na tungkulin para sa kapayapaan, sa ating paggalang sa buhay at dignidad ng tao, at sa pagkilos para sa isang lipunang mapayapa dahil sa pag-iral ng katarungan. Kung makikita at aakuin natin ang ating personal na tungkulin sa pagtatatag ng ating lipunan, hindi tayo lalahok sa anumang makasisira rito katulad ng paggamit ng karahasan. Kung hindi man natin masasagot ang tanong na: kailan matatapos ang karahasan sa ating bayan, maaari nating sabihing sa ating sarili magsisimulang matapos ang karahasan. Magandang paalala ang sinabi ni St John XXIII sa Pacem in Terris: “The world will never be the dwelling place of peace, till peace has found a home in the heart of each and every man, till every man preserves in himself the order ordained by God to be preserved.”
Mga Kapanalig, ngayong bagong taon, nawa’y maging mas matapang tayo sa pagtutol sa karahasan sa ating bayan, pamayanan, pamilya, at mismong sarili natin, dahil sabi nga ni Hesus, “Mapapalad ang mga mapagpayapa, sapagkat sila’y tatawaging mga anak ng Diyos” (Mateo 5:9).
Sumainyo ang katotohanan.