351 total views
Mga Kapanalig, kapayapaan sa inyong sambahayan!
Ito ang pambungad na bati ni Pope Francis sa pagbubukas ng taóng 2019, kasabay ng ika-52 pagdiriwang ng World Day of Peace tuwing unang araw ng taon. Nakalulungkot lamang na sadyang mailap pa rin ang kapayapaan sa maraming bahagi ng mundo. Giyera sa pagitan ng mga bansa at hidwaan sa pagitan ng mga mamamayan ang bumabalot sa Yemen, Palestine at Israel, Democratic Republic of Congo, South Sudan, at Syria. Marami na ang namamatay sa hirap, gutom, at karahasan sa mga lugar na ito.
Dito naman sa Pilipinas, bagamat hindi naman tayo umabot sa kalagayang katulad ng sa mga nabanggit na bansa kanina, patuloy pa rin ang paghahanap natin ng tunay at pangmatagalang kapayapaan. Sa mga kanayunan kung saan may presensya pa rin ang Communist Party of the Philippines o CPP, patuloy ang pagtugis ng militar sa mga tinaguriang kalaban ng estado. Armadong pakikibaka pa rin ang taktika ng CPP para sa panlipunang repormang nais nitong isulong, kaya’t ganito rin ang pangunahing tugon ng pamahalaan. Sa mahigit limang dekadang pakikipaglaban ng CPP sa pamahalaan, sinabi ng tagapagsalita ng pangulo na “failed rebellion” daw ang ginagawa ng grupo lalo pa’t kamatayan ng marami at pagkasira ng mga ari-arian ang bunga ng kanilang pakikibaka. Buwelta naman ng tagapagtatag ng rebeldeng grupo, napapanahon pa rin ang mga ipinaglalaban nila, at dahil sa mga umano’y baluktot na patakaran ng administrasyon, mas marami raw ang nahihikayat sumanib sa kanila. Sinubukan ng administrasyong Duterte na ituloy ang peace talks sa CPP ngunit makailang ulit na itong naantala.
Batas militar naman ang patuloy na umiiral sa Mindanao matapos itong palawigin ng pamahalaan sa ikatlong pagkatataon para raw sa kaligtasan ng mga taga-roon matapos ang giyera sa Marawi. Hindi pinansin ng pamahalaan ang pag-alma ng ilang grupo ng mga katutubo at mga human rights defenders na nakapagtala ng mga pang-aabuso ng militar sa karapatang pantao. Mainam namang subaybayan ang magiging resulta ng plebisito para sa Bangsamoro Organic Law na inaasahang tutuldok na sa deka-dekada ring hidwaan ng pamahalaan at mga grupong iginiit ang kanilang pagkakakilanlan bilang mga Moro.
Nananatili ring banta sa ating kapayapaan ang nagpapatuloy na giyera ng pamahalaan laban sa iligal na droga. Patuloy ang mga pagpatay sa mga suspek na karamihan ay mahihirap. Sa opisyal na bilang ng PNP, mahigit 5,000 na ang napatay sa mga operasyong ginawa ng pulis. Malayo ito sa 20,000 indibidwal na sinasabi ng human rights groups na napatay bunsod ng marahas na kampanyang ito.
Mga Kapanalig, bahagi ng ating misyon bilang mga Kristiyano ang pangalagaan ang kapayapaan at ihatid ito sa mga lugar na pinagkakaitan nito—sa mga kanayunan, sa mga liblib na lugar, at sa mga mahihirap na pamayanan. Higit na inaasahan ang tungkuling ito sa mga lider ng ating bansa. Sabi nga ni Pope Francis sa kanyang mensahe para sa World Day of Peace sa taóng ito, “Good politics is at the service of peace.” Ang mabuting pulitika ay naglilingkod para sa kapayapaan. Malaki ang papel ng pulitika sa pagpapatatag ng mga pamayanan at mga institusyon, ngunit kung lihis sa layuning ito ang ating mga pinuno, nagagamit ang pulitika sa paniniil sa kalayaan, sa pagsasantabi sa mahihina, at sa pagkasira ng kapayapaang dapat na nagbubuklod sa atin.
Mga Kapanalig, malaking gawain ang kapayapaan, at nakasalalay ito sama-samang pagkilos at pagtutulungan ng lahat. Sa mga isyung pangkapayapaang patuloy na kakaharapin natin sa taóng ito—ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng CPP at pamahalaan, ang batas militar sa Mindanao, at ang giyera kontra droga–kinakailangan natin ng mga lider na may pagkiling sa tunay na kapayapaan at ng mga mamamayang nagsasabuhay ng kapayapaan sa araw-araw.
Isang mapayapang bagong taon sa ating lahat!
Sumainyo ang katotohanan.