481 total views
Dismayado ang Ecowaste Coalition sa bulto ng basurang nakatambak sa mga lansangan sa iba’t-ibang bahagi ng Metro Manila, matapos salubungin ng mga Filipino ang bagong taon.
Ayon kay Daniel Alejandre, Zero Waste Campaigner ng grupo, ang magandang kultura ng pagdiriwang tuwing bagong taon ay natatabunan ng mga duming naiiwan ng mga tao dahil sa kawalang disiplina.
Dagdag pa niya, kabalintunaan din ang ipinakikita ng mga tao lalo ang Enero ay idineklara sa ilalim ng Presidential Proclamation number 760 bilang Zero Waste Month.
“What makes this beautiful tradition ugly is our penchant to consume and throw a lot of things as can be seen from the overflowing bins to the garbage piles dotting our neighborhoods following the revelry. Many of our communities, especially in thickly populated areas, are drowning in post-revelry garbage on the first day of January, which, incidentally, is observed as Zero Waste month.” pahayag ni Alejandre.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority, nangunguna ang Quezon sa lahat ng mga lungsod na pinaka maraming nalilikhang basura.
Umaabot sa 3, 610 tonelada ang nakokolekta mula dito araw-araw, habang pumangalawa naman ang Lungsod ng Maynila na may 1,175 tonelada, sinusundan ng Caloocan city na may 913 tonelada kada araw.
Ayon sa Ecowaste Coalition ang konsumerismo, pagiging maaksaya, hindi maayos na waste segregation at kawalang disiplina sa pagtatapon ng basura sa hindi tamang lugar ang mga dahilan kung bakit tuwing holiday season ay tumatambad ang tone-toneladang mga kalat.
Binibigyang diin sa Encyclical na Laudato Si ni Pope Francis na ang mundo ay nagmimistula nang malawak na tambakan ng basura kaya naman kinakailangan ng community conversion o pagkakaisa ng lipunan upang masolusyonan ang ganitong suliranin.