197 total views
Nagsasagawa ng relief operation ang social action center ng Diocese ng Legazpi sa mga biktima ng bagyong Usman sa lalawigan ng Albay.
Ayon kay Fr. Rex Paul Arjona, Director ng social action center ng Diocese ng Legazpi, ito ay bagama’t kulang pa ang mga datos na inilalabas ng lokal na pamahalaan sa mga apektadong residente dahil abala pa sa pagsasagawa ng retrieval at clearing operations.
“May ginagawa ng relief effort locally, tuloy-tuloy na rin ang relief operations, when we can. Local pa lang, nagtatanong na rin ang national at international ang hinihingi ay maayos na data. Mas pormal mas official na mula sa gobyerno ‘yun ang kulang pa at this time,” ayon kay Fr. Arjona.
Mula sa higit 70 nasawi, labing pito ang mula sa lalawigan ng Albay kung saan 9 sa mga ito ay sa bayan ng Tiwi na labis na naapektuhan ng bagyo.
Ilang bayan pa rin sa Albay ang hindi pa madaraanan ang mga lansangan at tulay habang ilang barangay pa rin ang isolated.
Muling umaapela ng panalangin at tulong ang Diyosesis ng Legazpi sa mga biktima ng bagyo lalu na sa Bicol region kabilang na ang Sorsogon, Albay, Camarines Sur at Norte na higit na napinsala ng bagyong Usman.
“We will truly appreciate ang mga tulong. Sa ngayon ang karamihan sa mga pangangailangan ay food, water, medicine and clothing. Sa recovery phase ang pangangailangan naman ay construction na, housing material at livelihood. Ang aming message dito sa Diocese ng Legazpi para naman ensued yung dignity ng ating mga tinutulungan ‘yung slightly used or kung pede mga bago na clothing para maganda ang ating tulong sa kanila sa mga binaha at nawash out ang mga gamit. Utensils na rin sa bahay. Kung nag-iisip tayo ng itutulong, ito na po ang puwede nating maitulong.” ayon kay Fr. Arjona.
Sa tala ng Department of Social Welfare and Development higit sa 40 libong pamilya o katumbas ng may 200 libo katao ang naapektuhan ng bagyong Usman mula sa 12 lalawigan kabilang na ang mga rehiyon ng Bicol, Visayas, Calabarzon at Mimaropa.
Sa kasalukuyan may higit pa sa 20 libong katao ang nanatili sa 145 evacuations centers na ang karamihan ay matatagpuan sa Bicol region na may 85 evacuation centers.
Ang bagyong Usman ang pinakahuling bagyo na pumasok sa bansa mula sa karaniwang higit sa 20 bagyo kada taon.