785 total views
HOMILY
His Eminence Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle
New Year’s Eve Mass @ Manila Cathedral
December 31, 2018
Mga minamahal na Kapatid sa Panginoong Hesukristo,
Tayo po ay nagpapasalamat sa Diyos siya po ang tumawag sa bawat isa sa atin para lumabas ng ating mga bahay, tahanan pumarito at maging bahagi ng ating sambayanang nananalangin, nagpapasalamat at ang atin pong Misa ay napakaraming ipinagdiriwang.
Una ngayon po ang ika-walong araw ng Pasko ang tawag natin ay Octava at ang ika-walong araw ng Pasko ay paggunita kay Maria ang Ina ng Diyos yan po ang una nating fiesta Mary the Mother of God, ang ikalawa po ay ang unang araw ng taon ay Araw ng Pandaigdigang Panalangin para sa Kapayapaan so World Day of Prayer for Peace at ikatlo syempre pagsalubong sa Bagong Taon, pasasalamat sa taong magwawakas at haharapin ng may pag-asa, pananampalataya at pag-ibig ang taon na ipinagkakaloob sa ating ng Panginoon. Hayaan niyo po na ang tatlong yan ay matahi-tahi ng ating mga pagbasa.
Una kapayapaan, papaano nga ba magkakaroon ng kapayapaan? Ang sikreto ay sinasabi ng kapistahan, World Day of Prayer for Peace, kung ang kapayapaan ay hinihingi sa pamamagitan ng panalangin, ibig sabihin ang kapayapaan una sa lahat ay regalo ng Diyos, ang tunay na kapayapaan ay magmumula laman sa Diyos lalo na sa kanyang anak na isinilang bilang Prinsipe ng Kapayapaan.
Walang tunay na kapayapaan na maibibigay ng tao, ng business, ng mundo ang nakapagbibigay lamang niyan ay ang Diyos at kapag galing sa Diyos, anong uri ng kapayapaan mayroon?
Yan po ang makikita sa unang pagbasa, ang pagbi-bendisyon ng mga Pari, nina Aaron at kanyang mga anak ay tungkol sa kapayapaan na nanggagaling sa Diyos. Ano yun? “Pagpalain ka nawa at ingatan ng Diyos” yan ang kapayapaan ang tawag natin diyan kaligtasan mula sa Diyos, siya ang nag-iingat, siya ang nagpapala.
Ikalawa “Nawa’y kahabagan ka niya at subaybayan” kapag ang Diyos ang sumusubaybay sa iyo, kapag ang Diyos ang nagsasabi sa iyo “Pinatatawad kita” may kapayapaan. “Lingapin ka nawa niya” kapag ang lumilingap sa iyo ay Diyos yan ang tunay na kapayapaan, lingapin ka man ng lingapin ng boyfriend mo magtatapos din yan (laughs) ang tunay na kapayapaan ay kapag ang Diyos ang lumilingap sa atin at yan ay inihihingi sa Diyos, yan ay ibinibigay ng Diyos bilang bendisyon, kaya po yan ang kapayapaan na idinadasal natin ngayon the peace that only God could give, the peace that comes when God blesses us and keeps us, when the Lord makes His face shine upon us, when the Lord look upon us kindly that’s real peace, we call it Divine Salvation.
Mga kapatid, anong kapayapaan ang hanap natin at gusto natin para sa darating na taon? Sana kapayapaan na bigay ng Diyos, hindi yung kapayapaan na maibibigay lamang panandalian ng lahat ng offer ng mundo pero maglalaho rin, ang kapayapaan ay bigay ng Diyos.
Pero may ikalawang punto, lahat ng bigay ng Diyos ay kailangang tanggapin ng tao, kahit na yan ay ibigay kung hindi naman natin papansinin, nasasayang din ang kanyang biyaya.
Papaano natin tatanggapin ang kapayapaan na binibigay ng Diyos? Ang ating Mahal na Ina si Maria bilang Ina ng Diyos, siya na tinutukoy ni San Pablo sa ikalawang pagbasa na noong dumating ang takdang panahon sinugo ng Diyos ang kanyang anak, isinilang ng babae. Ang anak ng Diyos ay naging tao syempre bahagi ng pagiging tao ay magkaroon ng Ina, Ina na magluluwal sa bata, si Maria na natuklasan ng mga pastol sa sabsaban inilalahad sa Ebanghelyo, si Maria po ang nagtuturo ng daan papaano tanggapin ang kapayapaan, papaano tanggapin ang Prinsipe ng Kapayapaan.
Papaano nga ba ang ginawa ni Maria? Sa Ebanghelyong nakita natin sa gabing ito, tatlong bagay po. Una, sinasabi dito Si Maria pinagbulay-bulayan niya, tinanim niya sa isip niya ang mga bagay na inilahad ng mga pastol. Anong ibig sabihin nito? Nanalangin si Maria, prayer as a way of accepting the gift of peace. Yung pananalangin na nakikinig sa Salita ng Diyos, yung panalangin na ang aking puso ay nililinis ko para makaayon sa kalooban ng Diyos, yung panalangin na yung mga bagay na hindi ko naiintindihan, hindi ako yung pabugso-bugso, kung hindi ko naiintindihan tatahimik, magbubulay-bulay, mananalangin.
Mga Kapatid, we want peace pray like Mary. May naitutulong ang ating security, may naitutulong ang mga CCTV Camera, may naitutulong ang ating iba’t ibang pagmamatyag, napapasin ko yung iba sa inyo hindi sa akin nakatingin eh habang nagsasalita ako nakatingin sa katabi “baka dinudukutan na ako”, lahat yan nakakatulong pero kung walang dasal, walang tunay na kapayapaan lalo na kapayapaan ng kalooban hindi lang yung kapayapaang panlabas.
Ang kapayapaan na naranasan ni Maria bunga ng pananampalataya at panalangin ay ang kapayapaan na galing sa Diyos sa isang kaloobang nababalisa, isang kaloobang maraming katanungan, isang kaloobang hindi laging nakakaunawa subalit sa panalangin nakakaranas ng katiwasayan.
My Dear Brothers and Sisters, you find the world noisy and even frightening pray, read the Word of God, go to the Blessed Sacrament. You don’t understand what is going on in to your life, like Mary, keep those things in your heart, and in your heart wait, wait patiently for the peace of God. No peace will come without prayer.
Sa mga pamilya, ibalik ang dasal. Yung mga may cellphone at mga apps dagdagan ang mga Prayer Apps kesa sa kung anu-ano ang binabasa, dasal. Habang ikaw ay naglalakbay kung anu-ano ang pinakikinggan mo, pakinggan mo ang mga dasal, pakinggan mo ang mga sacred music manalangin ka tulad ni Maria.
Pwedeng malaman sino po sa inyo dito ang mga Ina? Pakitaas ang kamay ng mga nanay. (asking the faithful) Mga nanay, diba tatanungin ko kayo diba kayo para sa inyong mga anak, walang patid ang inyong dasal? Kahit ang anak niyo malayo, bihira niyong makita may kapayapaan kahit papaano dahil kayo ay nagdarasal. Ang mga Ina experts sa prayer, ang mga Ina nakakatagpo ng kapayapaan dahil sa panalangin, ganyan si Maria Ina ng Diyos.
So mga nanay turuan niyo ang mga anak niyo manalangin, huwag lang magtuturo ng tong-its, huwag lang magtuturo ng bingo, magturong magdasal at turuan niyo ang mga asawa ninyo magdasal para may kapayapaan. Peace (laughing with the faithful).
Ikalawa, anong ginawa ni Maria para tanggapin ang biyaya ng kapayapaan? Sabi po dito (sa Ebanghelyo) “nakita ng mga pastol ang sanggol nakahiga sa sabsaban ayon sa sinabi ng anghel ang bata ay nakabalot sa tela” Wow, bukod sa panalangin paglingap, pagkalinga, caring. Prayer must be accompanied by acts of caring, of concern and they eventually become acts of justice. Without caring and justice, there will be no peace.
Ipinakita ni Maria, papaano niya kinalinga ang kapayapaan, ang Prinsipe ng Kapayapaan. Ibinigay niya sa Prinsipe ng Kapayapaan ang nararapat ibigay na pagkalinga. Ang Ina ng Diyos makatarungan, makalinga sa biyaya ng kapayapaan. Ibig natin ng kapayapaan? Well, let us learn to care for one another, let us learn how to care for society, let us learn how to care for creation without caring we will be sowing seed of violence. Ang mapagkalinga naghahasik ng punla ng kapayapaan, prayer, pagkalinga.
Tama na siguro yun, baka sabihin niyo nawalan na ako ng kalinga sa inyo, baka gusto niyo ng umuwi para mag-medya noche. (Laughs) Pero sama-sama po tayo naghahangad na ang bagong taon ay mas mapayapa pa kaysa sa taong magwawakas. Pero ang kapayapaan ay bigay ng Diyos, kailangan nating tanggapin sa pamamagitan ng panalangin at buhay ng pagkalinga at katarungan.
So we wish each other not just a peaceful New Year, our wish is that the year maybe peaceful according to God’s design, according to God’s purpose and plan, and we pray that we like Mary would receive the Prince of Peace by continuously praying a life of prayer and a life of caring and justice.
Tayo po’y tumahimik sandali at ibukas ang ating sarili sa ibinibigay na biyaya ng kapayapaan sa katauhan ni Hesus, tanggapin siya, maging laman siya ng puso at panalangin, kalingain siya, kalingain siya sa ating kapwa.