290 total views
Aabot pa sa sampung araw bago tuluyang humupa ang baha sa ilang munisipalidad sa lalawigan ng Camarines Sur na sinalanta ng bagyong Usman.
Ayon kay Father Romulo Castañeda, social action center Director ng Diocese ng Libmanan, sa kasalukuyang ilang bayan pa sa Camarines Sur na nasasakop ng diyosesis ang nanatiling may baha partikular sa Libmanan at Minalabac na hanggang baywang.
“Hanggang beywang pa. Tumaas pa ang tubig kagabi (Jan.2) galing yata sa Albay sa may Rinconada area, kami ang ‘catch basin’. So ‘yan ang situation sa ngayon. Kasi dito sa amin ang exit going to the bay. Nandito na lahat ang tubig. Mula Polangui, Libon, Oas yung tubig nila sa amin mapupunta,” ayon kay Fr. Castañeda.
Nasasakop ng Diocese of Libmanan ang may 11 munisipalidad ng Camarines Sur kabilang dito ang Libmanan, Minalabac, Del GAllego, Ragay, Sipocot, Cabusao, Pamplona, Pasacao, San Fenando at Milaor sa lalawigan ng Camarines Sur.
Inihayag ng pari na tinangka rin nilang pasukin ang Manibalac na hanggang sa bubong ang tubig habang ang mga residente ay nanatili naman sa tabing kalsada.
“Kami po ang una naming ginawa nag-profiling kami. Nag-ikot sa lahat ng towns. Data gathering. Pangalawa nagbigay ng kaunting tulong ang social action, meron kaming naibigay kahit paano. Pero kakarampot kasi ilang araw lang itong pagkain. Ngayon po sa tingin namin it will up take ten days bago bumaba ang tubig. We need clean water, potable water para sa mga tao,” ayon kay Fr. Castañeda.
Sinabi ng Pari na ito na ang pinakamatinding baha na kanilang naranasan na posibleng umabot ng sampung araw bago humupa.
“Nakakalungkot kasi may mga bahay na bubong na lang ang makikita ang mga tao ay nasa mga gilid ng kalsada,” ayon kay Fr. Castañeda.
Ipinaliwanag ng Pari na isa sa naka-contribute sa baha ang pagtataas ng kalsada kaya hindi na makaalis o nai-stuck na ang tubig.
Inihayag ni Father Castañeda na sa mga nakalipas na bagyo umaabot lamang ng tatlong araw nanatili ang baha sa kanilang lugar.
Sa kabuuan base sa tala ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) higit sa 40 libong pamilya o katumbas ng may 200 libo katao ang naapektuhan ng bagyong Usman mula sa 12 lalawigan kabilang na ang mga rehiyon ng Bicol, Visayas, Calabarzon at Mimaropa.
Sa Bicol region, may 85 evacuation centers ang itinalaga para sa mga binahang residente.