211 total views
Ito ang hamon ni Diocese of Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara, Chairman ng CBCP – Episcopal Commission on Social Communications sa iba pang mga lingkod ng Simbahan kaugnay sa pagiging daluyan ng Social Media ng Ebanghelisasyon.
Ayon sa Obispo, dapat na ituring na hamon ng mga Obispo, Pari, Madre at mga Layko ang paggamit sa Social Media sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita upang mas mailapit ang mga mamamayan lalong lalo na ang mga kabataan sa Panginoon.
“Dapat makita natin papano natin gagamitin ang Social Media para ipalaganap ang Mabuting Balita ni Kristo lalong lalo na ang Social Media ay in na in sa halos lahat ng kabataan ngayon kaya hinahamon ko ang lahat ng mga Obispo, mga Pari, Madre, mga Layko pati ng bawat miyembro ng pamilya na gamitin ang Social Media para ipalaganap ang Mabuting Balita, to share the Good News…” pahayag ni Bishop Vergara sa panayam sa Radyo Veritas.
Sa isang dokumento ng Vatican na may titulong Church and the Internet, sinasabing mahalagang magamit din ng Simbahan ang makabagong teknolohiya tulad ng Internet para ipahayag ang misyon ng Panginoon.
Matatandaang, lumabas sa Digital 2018 report ng London, United Kingdom-based consultancy na We Are Social na nangunguna pa rin ang Pilipinas sa social media usage sa buong mundo kung saan umaabot sa 9 na oras at 29 na minuto kada araw ang ginugugol ng nasa 67-milyong internet users sa bansa.
Malaking porsiyento nito ay may social media account na ginagamit para magpost at magshare ng mga impormasyon.
Naunang nanawagan at hinimok ng Kanyang Kabanalan Francisco ang bawat isa na gamitin sa mas makabuluhang pamamaraan ang internet at social media na dapat ituring na isang pambihirang biyaya ng Panginoon para sa pakikipagkomunikasyon.