368 total views
Mga Kapanalig, ngayong araw ay ang Traslación o ang paggunita sa paglipat sa Mahal na Poong Nazareno mula Intramuros patungong Quiapo na naganap daantaon na ang nakalipas. (Muli, hindi po ngayon ang kapistahan ng Itim na Nazareno; ito ay tuwing Biyernes Santo. At hindi rin ngayon ang pista ng parokya na ipinagdiriwang naman tuwing Hunyo.)
Ngunit higit pa nga sa fiesta ang nagaganap sa Quiapo tuwing ika-9 ng Enero. Taun-taon, milyun-milyong deboto ang nakikilahok sa Traslación bilang pagpapakita ng kanilang pananalig. Tinitiis nila ang mahabang pila sa Quirino Grandstand at ang siksikan ng mga tao sa mahaba at matagal na prusisyon pabalik ng Simbahan ng Quiapo. Ganoon na lamang kasidhi ang kagustuhan nilang mahawakan ang poon o kahit man lang ang andas na nagdadala sa karosa ng poon—buwis-buhay, ‘ika nga, para sa himalang hinihingi o upang magpasalamat sa mga biyayang kanilang natanggap.
Ngayong taon, hango ang tema ng Traslación sa Isaias 49:5: “Deboto ng Poong Hesus Nazareno: Hinirang at Pinili Upang Maging Lingkod”. Sa pamamagitan ng mga homiliya sa Misa, pagninilay, at katekismo, nais ng mga pari sa Simbahan ng Quiapo na maipaunawa sa mga deboto na kaakibat ng kanilang pamimintuho sa poon ang paglilingkod sa bayan ng Diyos.
Katulad ng mga naglilingkod sa Simbahan bilang mga relihiyoso, gaya ng mga pari at madre, ang mga deboto ay tumutugon sa tawag ng Diyos, sa tawag na yakapin ang misyon ng paglilingkod at ang kaakibat nitong pagpapakasakit at pagsasakripisyo. At makikita natin ito sa imahen ng Mahal na Poong Nazareno—walang sapin sa kanyang mga paa, pasan ang mabigat na krus, nakaluhod ngunit nakatingala pa rin. Hindi literal na pagpapakasakit ang kailangang gawin ng mga deboto—bagamat ito ang pagkakaunawa ng marami.
Paano maipakikita ng mga deboto ang kanilang misyong maglingkod?
Nagsisimula ito sa pagpapalalim ng personal na ugnayan sa Diyos. Ayon nga kay Msgr. Hernando Coronel, rektor ng Simbahan ng Quiapo, totoong-totoo ang debosyon sa Mahal na Poong Nazareno dahil ito ay malapít, personál, direkta, at kagyat—close, personal, direct, and immediate. Makikita ito sa marubdob na pagdarasal sa Diyos at sa pagpiling isama siya sa ating buhay, hindi lamang tuwing Traslación kundi araw-araw. Kung kasama natin ang Diyos araw-araw, pipiliin nating gawin ang tama at mabuti.
Ngunit ang ating pagdarasal ay hindi lamang dapat para sa ating mga sarili at pamilya. Dagdag ni Msgr. Coronel, bahagi ng Kristiyanong pananampalataya ang ipagdasal ang mga pinuno ng ating bansa, mga pinuno natin sa lipunan, at ang lahat ng naglilingkod sa pamahalaan. Gaya nga ng sinabi ni Pope Francis sa kaniyang mensahe sa pagsisimula ng 2019, kung ang ating mga pinuno ay hindi naglilingkod ng wasto, maaari nilang gamitin ang kanilang kapangyarihan upang maniil, magpahirap, o manira. Kaya’t bilang mga deboto, ipagdasal nating nawa’y ang ating mga lider ay manatiling may pagpapahalaga sa buhay, kalayaan, at dignidad ng bawat Pilipino, lalo na ng mga mahihirap.
Kailangan din nating samahan ng gawa ang dasal kung tunay tayong mga deboto. Umuusbong ang paglilingkod bilang mga deboto kung pagtutuunan din natin ng pansin ang kalagayan ng ating kapwa-tao at ng ating kapaligiran. Maaari itong magsimula sa hindi natin pananakit sa mga kalahok habang nasa Traslación at sa hindi natin pagtatapon ng basura sa mga daraanan ng prusisyon bilang pagtalima sa ipinapanawagan ng mga nag-organisa ng Traslación. Maliit na hakbang ito ng paglilingkod na maaari nating gawin araw-araw.
Mga Kapanalig, tiyak na napakalaking pagbabago ang mangyayari sa ating bayan kung mauunawaan ng milyun-milyong deboto ng Mahal na Poong Nazareno na hinirang at pinili sila upang maging lingkod. Kasihan nawa sila ng Banal na Espiritu upang makita at maisabuhay nila ang misyong ito.
Sumainyo ang katotohanan.