215 total views
Hinimok ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mananampalataya na maging aktibong bahagi ng katawan ni Kristo.
Sa pagninilay ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, Chairman ng Commission on the Laity sa misang isinagawa sa Manila Archdiocesan General Pastoral Assembly, iginiit nitong malaking hamon sa bawat isa ang abutin ang kapwa lalo na ang mga humihina ang pananampalataya.
“Abutin natin ang mga nawawala, sapagkat marami sa mga Katoliko ang hindi alam ang ating pananampalataya,” bahagi ng pagninilay ni Bishop Pabillo.
Pagbabahagi ng Obispo na batay sa mga pag – aaral 83 porsyento sa populasyon ng Pilipinas ay mga binyagang Katoliko subalit halos nasa 20 porsyento lamang ang dumadalo sa pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya tuwing Linggo.
Dahil dito, maituturing na malaking hamon sa bawat Katoliko ang isabuhay ang diwa ni Kristo upang mapanumbalik ang sigla sa mga tumatamlay ang pananalig sa Panginoon dulot ng iba’t ibang uri ng pagsubok na kinakaharap ng tao.
Hinikayat ni Bishop Pabillo ang mga lingkod ng Simbahan na karamihan ay mga layko na ibahagi ang pananampalataya sa kapwa sa pamamagitan ng pqgbabahaginan ng mga kuwento at karanasan na makatutulong sa pagpapalalim ng ating pananampalataya.
Samantala, hinimok din ng Obispo ang lahat partikular ang mga kabataan na makiisa sa adhikain ng Simbahan sa pag – abot ng mga nawawalang tupa lalo na’t ipinagdiriwang ng Simbahan ang Taon ng mga Kabataan bilang bahagi ng malawakang paghahanda sa ika 500 anibersaryo ng Kristiyanismo sa Pilipinas.
“Dalhin natin ang mga kabataan sa Simbahan at ilapit natin sila kay Hesus,” pahayag ng Obispo.
Naniniwala ang Simbahan na malaki ang maitutulong ng kabataan sa pagpapalaganap ng mga Salita ng Diyos gamit ang makabagong teknolohiya lalo’t mahigit sa kalahating bilang ng populasyon sa Pilipinas ay aktibo sa paggamit ng internet partikular sa social media.