196 total views
Nakahanda na ang Diyosesis ng Tagum sa isasagawang taunang pagdiriwang ng Traslacion ng Poong Hesus Nazareno.
Ito na ang ikatlong taon ng Traslacion sa Tagum na nagsimula noong 2017 makaraang magbigay ng ‘pilgrim image ng Poong Hesus Nazareno’ ang pamunuan ng Quiapo church sa Tagum para mga deboto ng Nazareno sa bahagi ng Mindanao.
Ayon kay Fr. Emmerson Luego, social action center director ng diyosesis, araw ng Martes ay ililipat na sa old cathedral ng Christ the King ang imahe para sa isasagawang Traslacion pabalik ng Sagrado Corazon De Jesus Parish sa ika-9 ng Enero.
“Sa lahat ng mga deboto hindi lamang sa diocese ng Tagum kundi maging sa Davao region at malapit na siyudad at probinsya, inaanyayahan po naming kayo na makasali sa bawat taon na pagdiriwang ng ‘Itim na Nazareno’. Welcome po kayong lahat para makiisa sa pagdiriwang,” ayon kay Fr. Luego.
Naunang inihayag ni Msgr.Hernando Coronel, rector ng Minor Basilica of the Black Nazarene na ang bawat mananampalataya ay bahagi ng kuwento ng Poong Hesus Nazareno.
Read: Bawat isa bahagi ng kwento ng pag-ibig ni Nuestro Padre Hesus Nazareno
Magsisimula naman ang misa alas-4 ng madaling araw hanggang sa ika-10 ng gabi.
Ito ay upang bigyang pagkakataon ang iba pang mga deboto ng Nazareno na makapagsimba bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng kapistahan kung saan higit sa 10 libo ang mga debotong nakiisa.
Sa Cagayan de Oro, may higit sa 200 libo ang nakikiisa sa Traslacion habang umaabot naman sa 20 milyon ang mga deboto nakikiisa sa Quiapo church sa Maynila.
Tema ngayong taon ng Traslacion ang ‘Hinirang at Pinili upang maging lingkod.’