175 total views
Ito ang tema ng kapistahan ni Nuestro Padre Hesus Nazareno: Hinirang at Pinili upang maging lingkod niya.
Ayon kay Msgr. Hernando Coronel, rector ng Minor Basilica of the Black Nazarene o kilalang Quiapo church, bilang pinili at pinaboran ang kahilingan ay nawa gamiting pagkakataon ng mag deboto ang kapistahan bilang pagpapasalamat sa Poong Nazareno.
Ipinagdarasal ni Msgr. Coronel na ang bawat deboto ay maging daluyan ng biyaya ng Diyos tulad din ng biyayang natanggap mula sa pagdedebosyon sa imahe ng Nazareno.
“Ito po ang tema natin ang atensyon ngayon ay sa mga deboto, upang tayo…pinaboran tayo, sinagot ang ating kahilingan tayo naman ay tumanaw ng utang na loob. Tayo’y hinirang at pinili at ngayon naman ay tayo naman ay tumanaw ng utang ng loob. Maging malapit tayong lingkod, alipin, instrumento, behikulo ng napakabait na Panginoon,” ayon kay Msgr. Coronel.
Maagang nagsimula ang pahalik sa imahe na ginanap sa Quirino grandstand na karaniwan ay isinagawa alas-8 ng umaga.
Ayon kay Msgr. Coronel, binigyang pagkakataon na ang mga pulis, mga volunteers at mga debotong maagang dumagsa sa Quirino grandstand na makahalik sa imahe.
“Ang opisyal na pahalik ay alas-8, pero alas-5 pa lang ng umaga nagsimula na ng unti-unti. Yung mga ordinaryong nating tao, volunteer natin ay nakalapit na sa Poong Hesus Nazareno,” ayon kay Msgr. Coronel.
Ipinaalala ng pari sa mga magtutungo sa Luneta Park para pahalik na mag-ingat at huwag magdadala ng mga alahas at iba pang mahahalagang gamit.
“Paaalala natin taon-taon, bawal ang buntis, bawal ang nagdadala ng sanggol, bawal ang mga lasenggo. Lalung lalu na yung may pre-existing health condition lalu na ‘yung sa puso ay dini-discourage ‘yan. Pati ang mga vendor na nagbebenta ng may barbeque sticks tulad ng fish balls, squid balls, BBQ, hotdogs ay nakakapinsala po ito,” ayon kay Msgr. Coronel.
PANALANGIN PARA SA KALIGTASAN
Matiwasay at ligtas na ‘Traslacion ng Nuestro Padre Hesus Nazareno’.
Ito naman ang personal na panalangin ni NCRPO chief, deputy director general Guillermo Eleazar sa pagdiriwang ng Traslacion 2019.
“Ay ang aking hiniling, unang naisip ko kaagad ay sana mairaos itong Traslacion 2019 ng matagumpay ang walang anumang any untoward incident na mangyari sa milyong-milyong deboto at expectators na dadalo at lalahok sa ating religious event na ito,” ayon kay Eleazar.
UNANG PAGKAKATAON SA PAHALIK
Kabilang din si Eleazar sa mga unang pumila sa pahalik sa imahe ng Poong Nazareno.
“Napakaganda ng pakiramdam. Katatapos ko lang humalik sa paa ng ating Itim na Nazareno, ito ang aking unang pagkakataon kung hindi pa ako naging regional director, kaya dala ko ang panyo na aking itatago,” ayon kay Eleazar.
Mensahe pa ni Eleazar sa milyong-milyong deboto na gamiting itong pagkakataon na magmuni-muni sa ating pamumuhay sa pagharap sa panibagong taon.
“Para sa ating kababayan at mga deboto. Ito ay napakagandang araw para sa atin. Nawa itong pagkakataong ito ay maging pagkakataon sa atin na makapagmuni-muni at maisipan ang mga nangyari sa ating buhay at harapin ang bagong taong ito na handang magbigay ng sakripisyo para sa ating bayan at para sa ating Poong Maykapal,” panawagan pa ni Eleazar.
Aabot naman sa higit 7,000 mga pulis ang itatalaga ng PNP sa paligid ng Quirino grandstand at Quiapo church para matiyak ang kaligtasan ng mga deboto.
Noong nakalipas na taon, umabot sa 22 oras ang itinagal ng prusisyon sa higit 6 na kilometrong ruta bago naibalik sa dambana ang Poong Nazareno.