404 total views
Mahalin ang kapwa tulad ng pagmamahal ng Diyos sa bawat isa.
Ito ang inihayag ni Novaliches Bishop-emeritus Teodoro Bacani Jr. na mensahe ng Poong Hesus Nazareno sa mga debotong namamanata.
Paliwanag ng Obispo, malaki ang pagkukulang ng bawat isa sa pagkalinga sa kapwa lalu na ang pagwawalang bahala sa mga dukha, mahihina at mga walang kakayahan.
“Palagay ko malaki ang pagkukulang sa pagmamahal. Magaling tayong magdebosyon, pero pagkapaglingap sa kapwa tao kinakapos tayo. Pinagwawalang bahala natin ang paglingap sa tao,” ayon kay Bishop Teodoro.
Sinabi ni Bishop Bacani na ang pagmamahal sa Diyos ay pagmamahal sa kapwa maging sa mga hindi kaibig-ibig.
“Dapat namang matutunan natin na punasan ang luha ng ating kapwa tao at ibsan ang kanilang paghihirap at ipagtanggol sila kung sila ay sinasaktan,” ayon pa sa Obispo.
Naunang ipinaalala ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na ang tunay na deboto ay nagmamahal, tapat at nakikipag-isa sa minamahal.
Read: Deboto ng Poong Hesus Nazareno, tunay at hindi huwad
Sa isang mensahe ng kanyang kabanalan Francisco sa ginanap na ‘World Day of the Poor’ na ang kahirapan ay hindi maipapahayag sa salita kundi isang daing na tumatawid sa langit at naririnig ng Panginoon.
Sa pag-aaral ng Social Weather Station survey may 12.2 milyong mga Filipino ang nagsasabing sila ay mahirap.
DEBOSYON AT PANGANGALAGA SA KAPALIGIRAN
Iginiit ng Obispo na hindi rin dapat isantabi sa ating pagdedebosyon ang pangangalaga sa kapaligiran.
“Ingatan din sana natin ‘yan. Madalas yan ang nalilimutan ‘yan ang nalilimutan natin sa pagdedebosyon natin, tapon lang tayo ng tapon ng basura. Ang mga halaman, tinatapakpakan… Dahil cleanliness is Godliness,” paliwanag pa ng Obispo.
Pinayuhan ng Obispo ang mga deboto na laging isaalang-alang ang kapaligiran bilang biyaya at kabilang sa mga nilikha ng Diyos.
Noong 2018 Traslacion, 385 tonelada ng basura ang nakolekta na 11 porsiyento na mas marami kung ikukumpara sa pagdiriwang noong 2017 na may 341 na toneladang basura.
Tagubilin din ng Obispo sa bawat mananampalataya na sa anumang gawain ay dapat unahin ang Ama, higit sa lahat sa halip na kayamanan, kapangyarihan at popularidad.“