167 total views
Nangangamba si Malaybalay Bishop Jose Cabantan na maaaring maulit ang madugong dispersal sa rally ng mga magsasaka sa Kidapawan kung hindi ipamamahagi ng pamahalaan ang calamity fund.
Kaugnay nito, umaapela si Bishop Cabantan sa administrasyong Aquino na ibahagi na ang calamity fund sa mga magsasaka sa lalawigan ng Bukidnon na apektado ng matinding tagtuyot at maiwasang magdudulot ng kaguluhan ang nararanasang kagutuman.
Iginiit ni Bishop Cabantan na hindi maaring idahilan ang umiiral na COMELEC ban sa pagpapamahagi ng pondo na nakalaan sa mga magsasakang naghihirap dahil sa epekto ng el nino.
Nilinaw ng Obispo na puwedeng idaan ang pondo sa DSWD, maging mga NGOs at Simbahan upang hindi magamit sa pamumulitika.
“Magdecide sana ang COMELEC sa calamity fund”.pahayag ni Bishop Cabantan.
Kinumpirma ni Bishop Cabantan na marami siyang natatanggap na ulat mula sa iba’t-ibang parokya sa Malaybalay na nagpa-plano ang mga magsasaka na maglunsad ng mga kilos-protesta.
Sa kasalukuyan, patuloy na tumutulong ang Diocese ng Malaybalay sa paghahanap sa mga magsasakang tunay na naapektuhan ng tagtuyot.
“May mga tensiyon ang mga pamilya sa bigas, pero kahapon nagpupulong ang mga farmers, may mga nag-organize ng rally.”pahayag ni Bishop Cabantan sa Radio Veritas
Naitala ng Department of Agriculture na umabot na sa 54-libong pamilya ang apektado ng el nino sa Mindanao sa unang dalawang buwan ng taong 2016.