266 total views
Emosyunal na ibinahagi ni Father Danichi Hui, Parochial Vicar ng Minor Basilica of the Black Nazarene o St. John the Baptist Parish ang kaniyang personal na karanasan sa pakikibahagi sa Traslacion ng Mahal na Poong Hesus Nazareno.
Ayon sa Pari, ito ang kaniyang unang taon na maging bahagi ng Traslacion, bilang isang bagong pari na naitalaga sa Quiapo Church.
Labis ang pagkamangha ni Father Hui sa ipinamalas na mainit na pananampalataya at debosyon ng mga Filipino sa Mahal na Poong Hesus Nazareno.
Aniya, ito ang nagpapatunay na buhay ang Diyos at mararamdaman ng bawat mananampalataya ang kaniyang awa at pagmamahal kung magiging bukas ang bawat isa sa Panginoon.
“Very emotional I must say kasi hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko, naluluha ako ngayon kasi grabe ang pananampalataya ng pinoy. Grabe kung makakapit, grabe kung umasa sa Diyos… Totoo at buhay ang Diyos, mararamdaman natin ang awa at pagmamahal ng Diyos basta’t buksan lang natin ang ating sarili, basta’t ibigay lang natin at isuko natin sa Diyos ang ating sarili.” pahayag ni Father Hui sa Radyo Veritas.
Lubos din ang pasasalamat ng pari sa lahat ng nakiisa lalo na sa mga tumulong sa paghahanda hanggang sa matagumpay na pagdaraos ng Traslacion ng Mahal na Poong Hesus Nazareno.
Ayon sa Pari, ang pagdiriwang na ito ng Simbahang Katolika ay nagpakita ng maayos na pagsasamahan ng pamahalaan at ng simbahan.
Naniniwala si Father Hui na hindi ito kakayaning mag-isa ng simbahan dahil ang bawat organisasyon at mga ahensya ay malaking bahagi ng tagumpay ng Traslacion ngayong 2019.
Dagdag pa ng Pari, sa unang pagtataya ng Philippine National Police ay mahigit sa apat na milyon ang mga nakiisang deboto simula pa sa Banal na Misa sa Quirino Grandstand hanggang sa magtapos sa Quiapo Church ang Traslacion ng Mahal na Poong Hesus Nazareno.