250 total views
Dismayado si Prelatura ng Isabela de Basilan Bishop Martin Jumoad sa katotohanang sinasalamin ng pinakahuling pamumugot na ginawa ng bandidong Abu Sayaf sa isang Canadian national ang kabiguan ng mga militar na gampanan ang kanilang misyon sa rehiyon ng Mindanao.
Ito ang reaksyon ng Obispo, matapos ang ginawang pagpugot ng ASG sa Canadian national na si John Ridsdel kamakailan lamang sa Jolo.
Pagbabahagi ni Bishop Jumuad, maraming mamamayan na ang dismayado at napupuno ng takot dahil sa patuloy na karahasan na magpahanggang sa ngayon ay hindi pa rin tuluyang nasosulusyunan ng pamahalaan lalo na ng AFP.
“Well it is a sad reality and then the people are saying ‘paano na ba ito? bakit nagkakaganito? saan na ba ang military? saan na ba ang policemen? saan na ba sila? bakit nagkaganito?’ so this is a general statement but the ang masasabi ko, hindi talaga,the military is not really doing well their work yun lang ang masasabi ko, because the people are frustrated and then they will just smile as if they were saying, sa kanila na lang yun,”pahayag ni Bishop Jumoad sa panayam sa Radio Veritas.
Matatandaang una nang hinamon ng Obispo ang pamahalaan na suriin ang kaledad at tunay na kakahayan ng mga nagtapos sa mga Military at Police Schools sa bansa sapagkat hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin tuluyang nabubuwag ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas ang grupo ng mga bandido na wala namang pormal na pag-aaral sa pakikipaglaban.
Kaugnay nito, hinamon ni UP Professor Leonor Briones – Former National Treasurer at Lead Convenor ng Social Watch Philippines ang gobyerno na gumawa ng aksyon upang papanagutin at bigyang katarungan ang panibagong karahasang ginawa ng mga Abu Sayaf group.
Iginiit ni Briones na dapat gawing prayoridad ng pamahalaan ang patugtugis sa mga rebeldeng grupo, upang bigyang katarungan ang naganap na krimen at tiyakin ang kaligtasan sa bansa hindi lamang ng mga dayuhan kundi maging ng lahat ng mga mamamayan.
Kaugnay nito, umapela na rin ang bansang Norway at Canada sa Pilipinas upang mabilis na tugisin ang mga bandidong grupo, matapos ang ginawang pagpugot sa 68-taong gulang na Canadian national na dinukot sa Holiday Ocean View Samal Resort kasama ang tatlo pa noong nakalipas na taon.
Batay sa tala ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), mula ng sumiklab ang kaguluhan sa rehiyon ng Mindanao, umaabot na sa mahigit 60,000 ang nasawi at umaabot na sa tinatayang P6-Bilyong piso ang pondong nailaan para sa pagtugis sa mga bandido at rebeldeng grupo sa rehiyon.