369 total views
Mga Kapanalig, “life has become so cheap.”
Ito ang naging pahayag ni House Speaker Gloria Arroyo matapos ang pagpatay sa kasamahan niya sa Kongreso na si Ako Bicol party-list Representative Rodel Batocabe. Pinaslang ng riding-in-tandem si Ginoong Batocabe dalawang araw bago mag-Pasko sa Albay.
Sa loob lamang ng halos dalawang linggo, nadakip ng mga pulis ang anim na sinasabing sangkot sa pagpatay. Agad namang pinadalhan ng subpoena ang inaakusahang mastermind na si Mayor Carlwyn Baldo ng Daraga, Albay. Ayon sa awtoridad, malaking tulong ang pagsuko at pag-amin ng isa sa mga gunmen. Dagdag pa nila, pulitika ang motibo lalo pa’t tatakbo sa darating na eleksyon si Ginoong Batocabe at magiging katunggali niya si Mayor Baldo. Itinanggi naman ng alkalde ang paratang sa kanya. Patuloy ang imbestigasyon upang malaman na ang katotohanan at mabigyan ng katarungan ang pinatay na kongresista.
Nakakapanibago ang mabilis na aksyon ng mga pulis upang mahuli ang mga nasa likod ng krimen. Natakot sila marahil sa nagngangalit na utos ni Pangulong Duterte na lutasin agad ang kaso. Nariyan din ang 50 milyong pisong pabuya sa sinumang makapagtuturo sa utak ng krimen. Nakadagdag pa ang political pressure na dala ng makabagbag-damdaming pahayag ni Speaker Arroyo.
Paano kaya kung ganito rin ang panggagalaiti ng pangulo at ng mga kongresista na maresolba ang halos 23,000 kaso ng deaths under inquiry o DUI na naitala ng PNP mula July 2016 hanggang May 2018? Sa loob ng panahong iyon, halos 33 tao bawat araw ang pinatay. Marami sa mga kasong ito ang iniuugnay sa kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga. Ayon pa sa PNP, mula Oktubre 2017 hanggang May 2018 naman, nasa apat na tao kada araw ang pinatay ng mga riding-in-tandem katulad ng nangyari kay Ginoong Batocabe.
Nakalulungkot na napakababa na nga ng halaga ng buhay ng tao sa ating bansa. Pundasyon ng mahahalagang turo ng ating Simbahan ang kasagraduhan ng buhay ng tao, at naniniwala tayo bilang mga Kristiyano na hindi kailanman magiging tama ang pumatay. Pinakamatinding paglapastangan sa magandang plano ng Diyos para sa ating lahat ang pumatay. Walang katanggap-tanggap na dahilan—pulitika man o kaligtasan ng mga tao—upang kunin natin ang buhay ng ating kapwa. Baluktot din ang paniniwalaang nababawasan ang pagiging tao ng mga adik, pusher, o sinumang lumalabag sa batas.
Pinalulubha naman ng kawalan ng katarungan at ng pagkakait nito ang patuloy na pangingibabaw ng kultura ng karahasan at pagpatay sa ating bansa. Makikita natin ito sa kaso ni Ginoong Batocabe at ng halos 23,000 Pilipinong pinagpapaslang nang walang saysay. Sa isang banda, nalulugod tayo sa mabilis na pag-aksyon sa kaso ng pinatay na kongresista. Sa kabilang banda, kulang na kulang naman ang ginagawa ng kinauukulan upang mabigyan ng katarungan ang libu-libong Pilpinong pinagkaitan ng tamang proseso ng batas. Mahihirap ang karamihan sa kanila—walang posisyon sa pamahalaan, walang mga koneksyon, at ika nga’y walang sinasabi sa lipunan. Ngunit hindi nito binubura ang katotohanang hindi naiiba ang kanilang halaga at dignidad bilang tao sa isang kongresista.
Itinuturo rin sa atin ng panlipunang turo ng Simbahan na ang katarungan ay ang pagkakaloob ng kung ano ang nararapat sa ating kapwa. Samakatuwid, kung hindi pinapapanagot ng pamahalaan ang mga nasa likod ng pagpatay dahil sa giyera kontra droga, nagiging instrumento ito ng kawalang-katarungan.
Mga Kapanalig, kaisa tayo ng mga nananawagan para sa hustisya para kay Ginoong Batocabe. Ngunit manawagan din sana ang lahat, lalo na ang ating mga lider, ng katarungan para sa libu-libong ginusto at hinayang patayin ng mga nasa poder at mga kakampi nito. Ang katarungan ay para sa lahat. Ang buhay ng lahat ay mahalaga.
Sumainyo ang katotohanan.