361 total views
Malaking hamon sa mga Filipino ang pagtiyak na mapanatili ang kapayapaan, katapatan at kaayusan ng halalan sa bansa.
Ito ang apela ni Rev. Fr. PSSUPT. Lucio Rosaroso Jr., Vicar General for Philippine National Police mula sa Military Ordinariate of the Philippines kaugnay sa nakatakdang 2019 Midterm elections.
Ayon sa Pari, mahalaga ang partisipasyon ng bawat isa upang ganap na mabantayan ang pagkakaroon ng mapayapang halalan sa bansa hindi lamang para sa May 2019 Midterm Elections kundi maging sa nakatakdang plebisito para sa Bangsamoro Organic Law sa Mindanao.
“Ang hamon sa atin yung every minute, every moment tayo that we are to be on guard always para mapanatili itong peace, yung honest at saka yung may integrity na eleksyon…” pahayag ni Father Rosaroso sa panayam sa Radyo Veritas.
Kaugnay nito, pinangunahan ng Military Ordinariate of the Philippines ang Interfaith Prayer Rally na bahagi ng 2019 Midterm Elections Unity Walk, Interfaith Prayer Rally and Peace Covenant signing na inorganisa ng Commission on Election (COMELEC) at Philippine National Police (PNP).
Hudyat ito sa pagsisimula ng election period para sa nakatakdang halalan.
Bukod sa Military Ordinariate of the Philippines, nakibahagi rin sa ginawang Interfaith Prayer Rally ang Philippine Council of the Evangelical Churches at Imam Council of the Philippines.
Layunin ng COMELEC at PNP na maidaos ng maayos at mapayapa ang nakatakdang halalan sa bansa sa pamamagitan ng pag-imbita sa iba’t ibang sektor na nakikibahagi upang mapanatili ang kaayusan at katapatan sa halalan.
Tinatayang umabot sa mahigit 6,000 ang dumalo sa pagtitipon mula sa iba’t ibang sektor na nananawagan ng kaayusan at kapayapaan sa darating na halalan kabilang na ang 600 volunteers mula sa Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV).