285 total views
Umaapela sa pamahalaan ng masusing imbestigasyon ang pinuno ng Commission on Migrants and Itinerant People ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines hinggil sa passport data breach.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos, dapat panagutin sa batas ang mga responsable sa pagkawala ng mga impormasyon ng mga Filipinong passport holder dahil maaring manganganib ang seguridad ng bawat mamamayan.
“We at CBCP-ECMI support for investigation about data breach in passport system. We appeal for thorough investigation, no sacred cows, those guilty be prosecuted,” pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Binigyang diin ng Obispo na dagdag pahirap sa mahigit sampung milyong Overseas Filipino Workers ang hinihingi ng Department of Foreign Affairs na birth certificate sapagkat karagdagang gastos ito sa mga Filipino.
Sa pahayag ni DFA Secretary Teodoro Locsin Jr., tinangay ng dating contractor na nag-iimprinta ng mga pasaporte ang mga dokumento makaraang hindi nagrenew ang ahensya sa kanilang serbisyo.
Nanawagan ang mga mambabatas sa DFA na ipaliwanag ang pangyayari lalo’t magdudulot ito ng panganib sa mga may pasaporte dahil maaring maikalat sa publiko ang kanilang mga personal na impormasyon.
Bukod dito inihayag din ng Malacañang na dapat imbestigahan ang nasa likod ng data breach sapagkat mahalaga ang mga dokumentong nawawala sa Department of Foreign Affairs.
Iginiit ni Bishop Santos na ang pagpapanagot sa mga nagkasala ay isang mabuting hakbang bilang naglilingkod sa bayan.
“To investigate, to correct the mistakes and mess, and to punish the guilty is great service to the country, especially to our OFWs whom we rightly called our modern day heroes,” panawagan ni Bishop Santos.