252 total views
Walang masama sa pagtanggap ng mamahaling regalo maging ng mga pulitiko na tumatakbo sa halalan.
Ito ang reaksyon ni dating Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) president at Lingayen Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz sa pagtanggap ng dalawang sports car at mga lupain ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte mula kay Pastor Apollo Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ.
Ayon kay Archbishop Cruz, wala siyang nakikitang mali sa pagbibigay ng regalo ni Pastor Quiboloy kay Duterte sapagkat hindi naman raw ito hiningi kundi kusang loob na ibinigay.
Pagbabahagi pa ng arsobispo, tanda lamang ng pagtitiwala ni Pastor Quiboloy sa pamamahala ni Duterte ang mga regalong ibinigay nito.
“Oo pero ang ganda niyan ay binigay eh hindi naman niya hiningi, sasabihan niya binigay hindi hiningi ala ngan namang tatanggihan niya sapagkat magagamit nga niya sa eleksyon. I don’t think that is part of graft and corruption pag binigyan ka. Ewan ko kung merong kapalit yun. Ewan ko lang sa palagay ko walang kapalit dahil si Quiboloy ay sa simulat simula ay yung kanayang Son of God yun ang kanyang relihiyon,” ayon sa arsobispo.
Kinuwestyon naman ni Archbishop Cruz ang ibang kandidato na patunayan sa publiko na ni minsan ay hindi rin sila tumanggap ng regalo mula sa mga mayayaman nilang kaalyado.
“Totoo kasi yun eh gusto ko namang malaman kung meron kang kakilalang kandidato na hindi tumanggap. Meron ka bang kakilalang hindi tumanggap kahit kanino ng anumang donasyon? Pakisabi lang sa akin ha!” giit pa ni Archbishop Cruz sa Veritas Patrol.
Samantala, sa pagsusuri ng Pulse Asia wala pang katiyakan na mananalo sa darating na eleksyon si Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa kabila ng patuloy na pangunguna nito sa pinakahuling presidential survey kung saan ay nakakuha ang alkalde ng 33 percent na rating.