221 total views
Ito ang naging obserbasyon ni dating Catholic Bishops Conference of the Philippines president Lingayen Archbishop Emeritus Oscar Cruz matapos na i–endorse ng Iglesia Ni Cristo sina Davao City Mayor Rodrigo “Digong” Duterte at Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ayon kay Archbishop Cruz, hindi na kontrolado masyado ng pamunuan ng Iglesia Ni Cristo ang boto ng kanilang mga miyembro dahil sa pagdami ng bilang ng kanilang sekta.
Ikinumpara rin nito noong kapanahunan na kokonti ang bilang ng mga ito ay mas lalong nagkakaisa sila sa pagboto ngunit aniya ngayon ay binabatay na lamang ng Iglesia Ni Cristo ang kanilang susuportahang kandidato sa mga nangunguna sa surveys upang masiguro ang panalo ng mga ito.
“Hindi sila kamukha noong araw na kokonti pa sila ay talagang very solid. Habang dumadami sila medyo nagiging loose yung kanilang hawak sa mga kasapi nila tungkol sa pagboto sa kanilang mga inendorsong kandidato. May epekto yan kahit papano hindi na kasing halaga, hindi na kasing lakas noong unang panahon. At isa pa yung kanilang inendoso parehas nang number one sa mga survey for president number one si Duterte na inendorso nila at si Bongbong inendorso nila. Naiintindihan ko pagka’t para ba masigurado ang kanilang panalo,” bahagi ng pahayag ni Archbishop Cruz sa panayam ng Veritas Patrol.
Nabatid na ang Iglesia Ni Cristo na may halos 2 milyong miyembro ay kilala sa kanilang nakagawiang “bloc voting” tuwing eleksyon.
Samantala, hindi ipinatutupad ng Simbahang Katolika ang pag – eendorso ng kandidato sapagkat iginagalang nito ang kalayaan pumili ng ihahalal ng nasa 54.6 na milyong rehistradong botante sa bansa.