190 total views
I-aalay ng Diocese of Borongan ang Sunday mass o banal na misa sa unang Linggo ng Mayo para sa mapayapa at tapat na halalan sa ika-9 ng Mayo, 2016.
Ayon kay Borongan Bishop Crispin Varquez, layon nitong mapagkaisa ang bawat mamamayan upang ipanalangin ang mapayapa, malinis at tapat na halalan hindi lamang para sa lalawigan kundi maging sa buong bansa.
“Lahat ng misa sa Sunday is for peaceful, clean and honest election lahat ng parokya,” pahayag ni Bishop Varquez sa panayam sa Radio Veritas.
Kaugnay nito, patuloy ang panawagan ng Simbahang Katolika sa may 54.6 na milyong botante bukod pa sa may 1.4 na milyong OFW absentee voters na maging matalino at masusing kilatisin ang katangian at kakayahan ng mga kandidato na tunay na nararapat maluklok sa may higit 18-libong posisyon sa pamahalaan.
Sa pastoral statement ng Catholic Bishops Conference of the Philippines kaugnay sa halalan, hinihikayat nito ang mamamayan at maging mga kandidato na ipasok ang spirituality at morality sa electoral process upang muling bigyang dangal ang sistema at estado ng politika sa ating bansa.