846 total views
Tiniyak ni Caritas Philippines na bukas ang Simbahan sa pakikipagtulungan sa bagong administrasyon basta’t ito ay para sa kapakanan ng taongbayan at hindi magdudulot ng paglabag sa karapatang pang-tao o pang-aabuso.
Ito ang inihayag ni Rev.Fr. Edu Gariguez, Executive Director ng Caritas Philippines matapos ang halalan kung saan posible na ang panalo sa pagka-pangulo ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte habang dikit naman ang laban sa pagitan nina Senator Bongbong Marcos at Congresswoman Leni Robredo para sa pagka-pangalawang Pangulo.
Ayon kay Father Gariguez, ang paghalal ng bagong pinuno ay simula pa lamang ng hinahangad na pagbabago at ang tunay na katuparan ay kinakailangan pagtutulungan at pagkakaisa mula sa bawat sektor at mamamayan.
Sinabi ng Pari na susuportahan ng Simbahan ang mga programa para sa ikabubuti ng mahihirap, pangangalaga ng kalikasan at karapatang pantao.
“Vigilant Collaboration… hindi lang basta pakikipaghtulungan sa Pamahalaan kundi pagbabantay na may mpakikipagtulungan. Sisigaraduhin natin na ang isinusulong na plataporma at mga panuntunan o programa ng gobyerno ay para sa kabutihan ng mga mamamayan at hindi para sa sariling interes ng mga nanunungkulan.Yung vigilant collaboration ito ang laging maiaalay ng Simbahan kung sino man ang manalo, kung sino man ang nakaupo.”pahayag ni Fr. Gariguez sa panayam ng Radio Veritas.
Hinimok din ni Fr. Gariguez ang lahat na magsikap para sa pagkakaroon ng maunlad at mapayapang bansa.
“Lahat tayo gusto ng pagbabago, ang paghahalal ng pinuno ay isang paraan lang ng pagbabago pero lahat tayo ay kinakailangan mag-ambag ng ating kakayahan at magtulong-tulong hindi natatapos sa eleksyon o sa pagpapalit ng administrasyon ang pagbabago.”giit ng 2012 Goldman Prize Awardee.
Magugunitang nanawagan ng pagkakaisa at pagsulong ang CBCP ganun na rin si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle.
Batay sa datos umabot sa 40 milyong Pilipino ang bumoto sa katatapos lamang na halalan.