252 total views
Early Childhood Care
Ang early childhood care ay isa sa mga isyu na hindi nabibigyang pansin ng ating mga nasyonal at lokal na kandidato ngayon. Isa itong malaking pagkukulang dahil binubuo ng mga batang may edad lima pababa ang 11.1% ng 92,097,978 na household population sa ating bansa, base sa 2010 census.
Ano nga ba ang early childhood care at bakit ba ito mahalaga? Ayon sa UNICEF, ang early childhood care o ECC ay susi sa ganap at produktibong buhay. Ito rin ay susi sa pag-unlad ng bayan. Ang ECC, ayon sa ahensya, ay isang komprehensibong programa para sa mga batang may edad 0 hanggang lima. Saklaw din nito ang mga programa para sa kanilang mga magulang at caregivers. Ang ECC ay naglalayon na bigyang proteksyon ang karapatan ng mga bata na makamtan ang kanilang buong cognitive o kognitibo, emosyonal, sosyal, at pisikal na potensyal. Salik ng mahusay na ECC ang mga community-based services na tutok sa pangangailangan ng bata, gaya ng kalusugan at nutrisyon, tubig at sanitasyon, at edukasyon.
May mga ilang batas nang nagsusulong ng ECC sa ating bansa, gaya ng Republic Act 10410 o The Early Years Act (EYA) of 2013 na nagpalawig ng sakop na edad ng ECC mula zero hanggang walong taon. Andyan din ang Executive Order No. 778 at 806 noong 2009 na nagtaguyod ng ECC Development Council at ang Republic Act 8980 noong 2000 na nagsulong ng komprehensibong polisiya at sistema para sa Early Childhood Care and Development. Ngunit kulang ang mga batas na ito upang tunay na makalinga ang mga bata, lalo na ang mga maralita. Kailangan ng aksyon.
Ang ECC ay isang isyung hindi mainit at hindi pansinin ng media, kaya hindi katataka taka na hindi rin dito nakatuon ang atensyon ng mga kumakandidato o kahit pa ng mga nakaupo sa pwesto. Hindi naman kasi makakaboboto ang mga bata. Kay dami ng mga child-led groups ang nag-lobby upang maisama ang kapakanan at agenda ng mga bata sa kanilang plataporma, pero kaunti lang ang nagbibigay ng kanilang commitment na isulong ang kapakanan ng bata kapag sila ay manalo. Ito ang datos na sana’y dapat tiingnan ng mga politiko: ang bilang ng mga batang wasted o masyadong payat para sa kanilang katangkaran ay tumaas pa mula 6.9% noong 2008 tungo sa 7.9% noong 2013. Sa sinapupunan pa lamang, dehado na rin ang kalusugan ng maraming mga bata. Ang dami ng nutritionally-at-risk pregnant women ay nasa 24.8% noong 2013, habang 12.5% naman ng mga lactating mothers ang under-nourished. Ang mga bilang na ito ay nakakapanghinayang dahil pagdating naman sa edukasyon, malaki ang positibong pagbabago sa ating bayan. Ayon sa UNICEF, umabot ng 77% ang net enrolment rate sa kindergarten noong 2012-2013. Kaya nga lamang, mahirap mag-aral at magtuto kung laging walang laman ang sikmura.
Kapag napabayaan ang mga batang ito sa murang edad pa lamang, paano na lamang ang kanilang kinabukasan, at ang kinabukasan ng ating bayan? Ayon sa Mater et Magistra, bahagi ng panlipunang turo ng Simbahan, “Tungkulin ng pamahalaan ang protektahan ang karapatan ng mahihina nitong mamamayan.” Kasama dito kapanalig, ang mga bata, na isa sa mga pinakamahirap na sector ng bayan. Umaasa tayo na sa susunod na hanay ng mga lider, sapat na atensyon na ang bibigay sa mga bata.