166 total views
Pangkalahatang kaunlaran.
Ito ang hiling ni Diocese of Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani sa administrasyong Duterte dahil naipangako nito na maglulunsad siya ng mga polisiya sa ekonomiya para mapa – unlad ang mga mahihirap.
Hangad ni Bishop Bacani na hindi na matulad sa nakaraang administrasyon ang pamumuno ng bagong Pangulo.
Hiling din ng obispo na mapadama lalo na sa mga mahihirap na kaisa sila sa pag – unlad ng bansa tulad na rin ng isinusulong ni Pope Francis.
“Ganito ang basehan niyan kung ano ang makatutulong na magkaroon tayo ng economic growth at ikalawa kung ang economic growth na ito ay hindi lang para sa isang party. Katulad ng mga mayayaman, mga kapitalista kundi para sa buong bansa yung inclusive growth na madalas na ipinipilit ng ating Santo Papa. Kung anuman ang makatutupad diyan sa dalawang adhikain na yan, yan ay dapat suportahan,” bahagi ng pahayag ni Bishop Bacani sa panayam ng Veritas Patrol.
Makakaasa naman aniya ng suporta ang ika – 16 na pangulo ng bansa sa pagsusulong ng mga programa lalo na sa mga mahihirap.
“Diyan talaga siya makakakuha ng tulong sa simbahan kung magiging pro – poor siya. Ang simbahan kinakailangan na ma – convert siya ng mabuti para maging pro – poor. Sapagkat mukhang nagkukulang pa rin tayo. Kahit na ang programa natin ang tagal tagal na ‘Church of the Poor’ kagaya yung preferential option for the poor, pagmamahal na kumikiling sa mga maralita eh kulang ang inspirasyon sa pamamagitan ng presensiya ng mga namumuno sa pamamagitan ng pagtuturo at pagbibigay ng inspirasyon. Madalas pa rin kasi makikita mo dito sa Pilipinas ang simbahan ay maka – mayaman,” giit pa ni Bishop Bacani sa Radyo Veritas.
Sa datos ng Philippine Statistics Authority noong unang quarter ng 2015 – bumaba ng 26.3 percent ang official poverty incidence ng Pilipinas.
May bahagya rin itong pagbuti kung ikukumpara sa parehong petsa noong 2012 kung saan nakapagtala ng 27.9 percent.
Samantala ayon sa National Economic And Development Authority o NEDA, halos isa sa apat na pamilyang pilipino lamang ang maituturing na mahirap sa first semester noong 2015.