359 total views
Mga Kapanalig, mainit na usapan noong nakaraang linggo ang pagbibiro ng isang tumatakbo sa pagkapangulo tungkol sa paggahasa at pagpatay sa isang Australian missionary noong 1989. Kasama po ba kayo sa mga natawa at ipinagtanggol ang nasabing kandidato dahil biro lang naman daw iyon? O kabilang ba kayo sa mga nagalit at umalma sa kaniyang pagbibiro tungkol sa napakasensitibong isyu ng pang-aabuso sa kababaihan.
Maraming babae sa Pilipinas ang biktima ng rape.At hindi ito biro. Kung titingnan ang datos ng PNP,lumaki ang bilang ng mga naiuulat na kaso ng panggagahasa.Mula sa humigit-kumulang 5,000 kaso noong 2014, umakyat ito sa mahigit 8,000 kaso noong 2015.
Ngunit higit pa sa malaking bilang ng kaso ng rape sa bansa ang isyu ngayon, mga Kapanalig. Ang rape ay nakaugat sa kung paano natin itinuturing ang kababaihan sa ating lipunan. At sa kasalukuyan, gaya ng ipinakikita sa birong iyon ng isang nais maging pangulo ng Pilipinas, napakababa pa rin ng ating pagtingin sa mga babae.
Isang grupo ng kababaihan ang nag hayag ng kanilang matinding pagkundena sa pagbanggit ng rape sa isang biro. Paliwanag nila, ang ginawa ng nasabing pulitiko ay maituturing nang pang-aabuso sa mga kababaihan,at pang-aabuso rin sa kapangyarihan ng isang taong nasa puwesto. Naghain ang grupo ng reklamo sa Commission on Human Rights o CHR dahil sa paglabag ng nasabing kandidato sa Republic Act 9710 o ang Magna Carta of Women, ang batas na binibigyang proteksyon ang mga kababaihan laban sa anumang uri ng diskriminasyon. Ayon sa grupo, ang paulit-ulit na kawalan ng respeto ng kontrobersyal na pulitiko, lalung-lalo na ang pagbanggit ng rape sa isang biro, ay nagpapalaganap ng “rape culture” o ang kultura ng paggamit ng lakas upang pagsamantalahan ang mga kababaihan.
Sa harap ng isyung ito, maaari nating pagnilayan ang tanong ni Lingayen-Dagupan Archbishop at CBCP President Socrates Villegas: ang katulad ba ng pulitikong ito ang nais nating mamuno sa ating bansa?
Mga Kapanalig, para sa ating Simbahan, maraming isyu ng sanhi ng hindi pantay na pagtingin sa mga kababaihan ang kailangang tugunan. Kinilala ito ng Second Plenary Council of the Philippines noong 1992. Bahagi ng mapagpanibagong pagpapalaganap ng Mabuting Balita ang pagkilala sa mga isyung kinakaharap ng kababaihan. Mariing tinututulan ng konseho ang lahat ng uri ng diskrimisayon at pagsasamantala sa mga babae. Inaako ring tungkulin ng Simbahan ang pagpapalawig at pagpapalalim ng kaalaman ng mga mananampalataya tungkol sa dangal pantao ng kababaihan at ang kanilang pagiging kapantay ng mga lalaki.
Binibigyang-diin sa mga panlipunang turo ng Simbahan ang mga katangiang binigay ng Diyos sa mga kababaihan upang makapag-ambag sa pagpapabuti ng Simbahan, at sa dahilang ito dapat nating irespeto ang kanilang dignidad. Sa sinulat ni St John Paul II na Mulieris Dignitatem, isang apostolic letter tungkol sa dignidad at bokasyon ng mga kababaihan, sinabi niyang sa mga pagkakataong inaapakan ng sinuman ang dangal at bokasyon ng isang babae, kumikilos siya nang taliwas sa kanyang sariling dangal at bokasyon. Sa Ingles, “For whenever man is responsible for offending a woman’s personal dignity and vocation, he acts contrary to his own personal dignity and his own vocation.”
Mga Kapanalig, mahaba na ang naging pakikipaglaban ng mga kababaihan upang itaguyod ang kanilang dignidad. Para gawing katatawanan ang pagsasamantala sa kanila ay lantarang pambabastos sa ating mga kaibigang babae, sa ating mga ate, at sa ating mga ina.
Sa darating na Biyernes, ika-29 ng Abril, ay ang ika-79 na anibersaryo ng pagkamit ng mga Pilipina ng kanilang karapatang bumoto. Ngayong laganap ang pambabastos sa kanila, ang boses ng kababaihan ay kailangang marinig, higit kailanman, sa darating na eleksyon.
Sumainyo ang katotohanan.