223 total views
Umaasa si Military Ordinariate of the Philippines Bishop Leopoldo Tumulak, Chairman ng CBCP -Episcopal Commission on Prison Pastoral Care na isa sa prayoridad ng bagong administrayon ang pagbibigay halaga sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas at Philippine National Police.
Tiniyak ng Obispo na hindi man perpekto ang hanay ng mga pulis at militar sa bansa ay nakahanda ang mga itong ibuwis ang kanilang buhay para sa kanilang sinumpaang tungkulin na protektahan ang mga mamamayan mula sa anumang banta sa lipunan.
Dahil dito, iginiit ni Bishop Tumulak na nararapat lamang na bigyang pansin ng bagong administrayon ang pagbibigay halaga sa kanilang sector.
“I think bigyan natin ang ating mga kasundaluhan at kapulisan ng pagsuporta at least to pray for them, at least to respect them kasi they are really trying their best. We don’t have a perfect military, we don’t have a perfect police but I know because I have been with them that they are trying their best, handa silang ibigay ang buhay, itinataya nila ang kanilang buhay para sa mga tao and I would say we must pray for them…” pahayag ni Bishop Tumulak sa panayam ng Radio Veritas.
Kaugnay nito, Hulyo ng nakalipas na taon ng aprubahan ng Aquino administration ang 19.1-bilyong pisong pondo para sa modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines batay narin sa nasasaad sa Republic Act No. 10349 o Act Establishing the Revised AFP Modernization Program.
Ayon sa Centesimus Annus, isang panlipunang turo ng ating Simbahang Katolika mula kay Saint John Paul II, ang mga nagpapalakad ng estado ay kailangang siguraduhin na lahat ng miyembro ng komunidad at lahat ng parte nito ay protektado…dahil nasa kamay ng mga nagpapatakbo ng estado ang pangangalaga ng kapakanan ng publiko.