225 total views
Umaasa ang arsobispo ng Tuguegarao na mababago pa ang isip ni incoming president Rodrigo Dutrete sa pagpapatapad ng death penalty by hanging sa bansa.
Naninindigan si Tuguegarao Archbishop Sergio Utleg na hindi totoong makakasugpo sa laganap na kriminalidad ang death penalty o parusang kamatayan.
“Im not in favor of death penalty, I hope he will change his mind about it. Kapag hindi niya naa-analyze ang sitwasyon ‘yun ang magiging sagot. I hope he will not do it,” pahayag ni Archbishop Utleg sa Radio Veritas.
Natitiyak ng Arsobispo na tanging mahihirap na hindi kayang magbayad ng mga abogado ang mabibiktima sa implementasyon ng parusang kamatayan.
Ipinagdarasal ni Archbishop Utleg na mabago pa ang isip ni Duterte kapag napag-aralan niyang mabuti ang tunay na sitwasyon at marinig ang boses ng sambayanan laban sa death penalty.
“Alam natin na hindi nakakadeter ng crimes ang death penalty at usually nabibiktima diyan yung mga mahihirap na hindi maka-hire ng abogado,” pahayag ni Archbishop Utleg.
Nabatid sa survey na inilabas ng Amnesty International noong 2009 na 88-percent ng mga criminologist ay naniniwalang hindi parusang kamatayan ang makapipigil sa kriminalidad sa lipunan.
Taong 2014 pumalo sa kabuuang 1,634 ang pinatawan ng death penalty ngunit hindi bumaba ang kaso ng krimen sa mga bansang nagpapatupad nito. (Riza Mendoza)