197 total views
Bagsak ang ibinigay na grado ng Alyansa Tigil Mina sa naging performance ni Pangulong Benigno Aquino III matapos ang anim na taong panunungkulan nito sa bansa.
Ayon kay Jaybee Garganera, National Coordinator ng grupo, hindi tama ang naging pagpapatupad ng administrasyong Aquino sa Executive Order 79 na naging batayan ng grupo sa pagtimbang ng kabuuang panunungkulan ng Pangulo sa usapin ng pangangalaga sa kalikasan.
“Ikinalulungkot namin pero bagsak yung administrasyon, duon sa sukatan kung pinatupad ba nila or tama ba yung pagpapatupad nila dun sa mismong polisiya na sila yung naglabas.” Pahayag ni Garganera sa Radyo Veritas.
Aniya, bagamat may batas na nagbabawal at naglilimita sa mga mining companies upang hindi lubos na maapektuhan ng mga dumi nito ang kalikasan at ang komunidad na malapit dito, ay hindi ito nasunod ng mga kumpanya.
Dagdag pa ni Garganera, ang mga karagdagang proposal sa pagmimina na dapat nang ibasura ay inaprubahan pa ng administrasyon Aquino.
“Tulad nung contracts review saka performance evaluation, hindi nagawa iyon. Yung mapa na kung saan pwedeng magmina at hindi magmina, bagamat inilabas nila ay hindi nila masabi na final at unified map na ito, si hindi rin magamit ng mga local government sa pagdedesisyon.” Pahayag ni Garganera.
Bukod dito, ikinadismaya rin ng grupo, ang kawalang aksyon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na panagutin ang mga mining companies na napatunayang lumabag sa environmental protection.
Sa huli, inihayag ni Garganera na mananatiling magmamatyag ang ATM sa magiging pamamalakad ng papasok na administrasyong Duterte, at nakahanda itong panagutin ang anu mang pagkilos na magdudulot ng pagkasira sa kalikasan at sa buhay ng mga tao.
Sa tala ng Mines and Geosciences Bureau, ang Pilipinas ay nagtataglay ng 21.5 billion metric tons ng metal deposit habang mayroon naman itong 19.3 billion metric tons na non metallic minerals.
Dahil dito umabot sa 1,828 mining applications ang natanggap ng Aquino Administration sa loob ng anim na taon nitong panunungkulan sa bansa