165 total views
Naghahanda na ang mga kinatawan ng Diocese ng Novaliches na kasalukuyang nasa Colon na magtungo sa Panama City.
Ito ay para sa pormal na pagbubukas ng World Youth Day 2019 sa Panama City at ang pagdating ng Santo Papa Francisco.
Ayon kay Fr. Joel Saballa na kabilang sa kinatawan ng Diocese ng Novaliches, higit 10 libong kabataan mula sa 20 bansa na napabilang sa Colon, Ayala Diocese.
Sinabi ni Fr. Saballa na naging mainit ang pagtanggap ng mga kabataan ng Colon, Panama kasama ang lahat ng delegado sa isinagawang lokal na pagdiriwang kasama na rin si Novaliches Bishop Antonio Tobias.
“Noong kami ay dumating dito sa Colon, Ayala kami ay tinanggap ng mga tao, kabataan masayang pagtanggap at kami ay dinala sa aming foster families. May mga gathering everyday kasama ang kabataan sa iba’t ibang bansa at nagkakaroon ng sharing. Sharing ng mga pari at layko, good practices. At kung ano ang gagawin sa pagbalik sa kanya-kanyang bansa. Paghahanda at pagninilay doon sa tema ng ‘World Youth Day’ ngayong taon na ito,” ayon kay Fr. Saballa
Ika-22 ng Enero pormal nang magsisimula ang ‘World Youth Day 2019’ kung saan tema ngayong taon ang ‘I am the servant of the Lord; Let it be done to me according to your Word’.
May 250 katao ang kinatawan ng Pilipinas sa pagtitipong magsisimula sa ika-22 hanggang ika-27 ng Enero.
Taong 1986 ng unang isinagawa ang World Youth Day sa pangunguna ng noo’y si Pope John Paul II at taong 1995 nang ipagdiwang sa Pilipinas ang kauna-unahan sa Asya.