207 total views
Ito ang pagninilay ni dating Catholic Bishops Conference of the Philippines President Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas kaugnay sa kapangyarihang bumoto ng mga mamamayan sa nakatakdang May 2019 Midterm elections.
Ayon sa Arsobispo, banal ang pagboto sapagkat sa pamamagitan nito ay naipapahayag ang kalooban ng Diyos para sa bayan.
Ipinaliwanag ni Archbishop Villegas na kalakip ng pagboto ang dapat na masusing pagpili ng bawat botante katuwang ang Diyos sa pagpili ng mga kandidatong tunay na makapagpapabuti at hindi makakasama para sa bayan.
“Ang pagboto ay kapangyarihan, kapangyarihan ng mga mamamayan. Ang pagbagoto ay banal sapagkat ang pagboto ay dapat nating gamitin bilang pagpapahayag ng kalooban ng Diyos para sa ating bayan. Ang pagboto ay pagpili at sa ating pagpili hindi natin maaring ihiwalay ang Diyos sapagkat ang pagpiling walang Diyos ay hindi makakabuti sa atin, sa katunayan ito ay makakasama para sa atin.” pagninilay ni Archbishop Villegas.
Ibinahagi rin ng Arsobispo ang tatlong dapat gawin ng mga botante sa pagpili ng mga kandidatong ihahalal – ang See, Judge at Act.
SEE
Ayon kay Archbishop Villegas, mahalagang maging bukas ang kamalayan ng mga mamamayan sa nagaganap sa lipunan upang makita ang mga pinakamahalagang problemang dapat na matugunan sa bansa tulad na lamang ng kahirapan, katiwalian, karahasan, kabastusan at kasinungalingan.
Iginiit ng Arsobispo na mahalagang piliin at iboto ng mga botante ang mga opisyal na tunay na tutugon sa mga pangunahing suliraning ito sa lipunan upang ganap na mapabuti at mapaunlad ang bansa.
“See. Look around, see what is going on. Ano ang mga pinakamahalagang problema ng ating bansa? Nandiyan ang kahirapan, nandiyan ang corruption, nandiyan ang kamatayan, nandiyan ang karahasan, nandiyan ang kabastusan, nandiyan ang kasinungalingan. Ito ang namamayani sa ating bayan at kung tayo ay mamimili ng mamumuno sa atin, hanapin natin yung makatutulong upang yung kahirapan, yung kurapsyon, yung kultura ng kamatayan, yung kultura ng kabastusan, yung kultura ng fake news at kasinungalingan ay baligtarin natin upang makabuti para sa ating bayan.” ayon kay Archbishop Villegas.
JUDGE
Bukod sa pagiging mulat sa tunay na sitwasyon ng bayan hinikayat rin ng Arsobispo ang bawat isa na masusing kilatisin at husgahan ang mga kakayahan, kaalaman at katauhan ng mga kandidato sa pamamagitan ng pagsusuri sa tatlong “C”, ang kanilang Commitment, Competence at Character.
Paliwanag ni Archbishop Villegas, hindi dapat na basta maniwala ang mga botante sa anumang pangako ng mga pulitiko sa halip ay dapat na balikan at suriin ang kanilang performance o naging pagganap sa anumang reponsibilidad na kanilang ginampanan.
“Una Commitment, pakiusap ko sa inyo mga kapatid huwag na kayong maniwala sa pulitiko, sa kandidatong nangangako, ang tingnan nalang natin ay performance, ang tingnan nalang natin ano na ang nagawa nila sa bayan kung sila man ay nasa gobyerno o wala sa gobyerno.”Pangalawa ay Competence, ang ibig sabihin po ng Competence ay may kakayanan sapagkat hindi biro-biro ang mamuno ng bayan. Competence huwag po nating ipagkatiwala ang ating bansa sa mga taong walang malasakit at lalo na walang alam. “Pangatlo po ay character, ang isang maliit na janitor na nag-aapply ng trabaho, hinihingan ng NBI clearance kailangan wala siyang Criminal Record, pakiusap po mga minamahal kong kapatid mayroon pong mga kandidatong meron ng Criminal Record, meron pong mga kandidatong alam na natin ang ginawa laban sa bayan, laban sa batas. Pumili po tayo ng masusi, pumili po tayo ayon sa kalooban ng Diyos.” Apela ng Arsobispo.
ACT
Sa huli hinamon ng dating Pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines ang mamamayan na gamitin ng tama at tapat ang kapangyarihang bumoto sa pamamagitan ng paninindigan sa tunay na makabubuti para sa lahat tulad ng ninanais ng Panginoon.
Iginiit ni Archbishop Villegas na hindi dapat na magpadala sa anumang suhol na materyal o pinansyal ang mga botante sa halip ay kailangang manindigan para sa kabutihan at kinabukasan ng bayan.
Umaasa ang Arsobispo na maging matapang sa pagboto ang bawat Filipino sa nalalapit na May 2019 Midterm Elections upang maihalal ang mga karapat-dapat na mga opisyal at alisin sa kapangyarihan ang mga abusado na pinaglaruan at inabuso lamang ang tiwalang ipinagkaloob ng taumbayan.
“See, Judge, Act. Tayo ay bumoto ng may tapang, panindigan natin ito. Minsan hindi tayo pinapakinggan nagiging mahalaga lang tayong botante kapag panahon ng eleksyon sapagkat kailangan nila tayo, tapangan natin yung mga lumastangan sa atin, yung mga nagwalang bahala sa atin, yung mga nagnakaw sa atin, yung mga pumatay ng mahal natin sa buhay tapangan natin, panindigan natin at alisin natin sa kanila ang kapangyarihang pinaglaruan at kanilang inabuso.” hamon ni Archbishop Socrates Villegas.
Nasasaad sa Comelec Resolution No. 10418 na 18,081 ang mga posisyon na pupunuan ng nakatakdang May 2019 Midterm Elections kabilang na ang 12 senador, 59 na party-list representatives kasama na ang mga posisyon ng mga lider sa lokal na pamahalaan.
Click here to watch the video: SEE. ACT. JUDGE.