146 total views
Tiniyak ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Youth na nakahanda at maasahan ang pagiging responsibleng kinatawan ng mga kabataang Filipinong delegado sa 2019 World Youth Day sa Panama.
Ayon kay Rev. Fr. Conegundo Garganta, Executive Secretary ng kumisyon, taglay at babaunin ng mga kabataang delegado ang mayaman at malalim na pananampalataya ng mga Filipino sa kanilang pakikilahok sa pandaigdigang pagtitipon ng mga kabataan.
Ibinahagi ng Pari na nasasabik na ang mga kabataang Filipino na makasalamuha ang iba pang mga kabataang delegado mula sa iba’t ibang bansa upang maibahagi ang mga kultura, tradisyon at pambihirang pananampalataya ng mga Filipino.
“Maasahan natin na yung mga lalahok ay magiging responsible, baon yung kayamanan ng pananampalataya bilang mga kabataan galing Pilipinas sa kanilang paglahok at pakikipagdaupang-palad sa mga kapwa kabataan na pelegrino o delegado mula sa iba’t ibang mga bansa…” pahayag ni Fr. Garganta sa panayam sa Radio Veritas.
Umaasa naman ang Pari na mas mapapayabong pa ng 2019 World Youth Day ang pananampalataya ng mga delegado partikular na ang mga kabataang Filipino na kanilang maaring magamit upang aktibong makilahok sa mga usaping panlipunan sa bansa.
Ayon kay Father Garganta, isang magandang opurtunidad ang pandaigdigang pagtitipon ng mga kabataan upang mas mapatatag ang paninindigan sa pananampalataya at sa Panginoon.
Tiwala ang Pari na maipamalas at maibahagi ng mga kabataan sa kanilang muling pag-uwi sa Pilipinas ang kanilang mga nasaksihan, naranasan at natutunan mula sa iba pang mga kabataan na delegado mula sa ibang mga bansa.
“Mapayaman pa kung ano ang meron sila sa kanilang karanasan ng pananampalataya at mula sa karanasang yun sa pagbabalik sa kani-kanilang mga diyosesis, sa kanilang mga parokya, sa kanilang paaralan dahil may kasama tayong mga estudyante o sa kanilang mga organisasyon, maramdaman at mabakas sa kanila yung kanilang napulot at nadagdag na pagpapalalim o kaalaman tungkol sa pananampalataya…” pahayag ni Father Garganta.
Sa tala ng CBCP-ECY, mahigit sa 250 ang mga Filipinong delegado sa 2019 World Youth Day sa Panama sa ika-22 hanggang ika-27 ng Enero kabilang na ang mga Pari at mga Obispo mula sa iba’t ibang diyosesis sa Pilipinas.