145 total views
Naging matagumpay ang Walk for Peace sa Kidapawan bilang bahagi ng panawagan sa malinis at tapat na halalan partikular na ang isinagawang plebisito para sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ayon kay Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, bukod sa Diyosesis ng Kidapawan kabilang din sa nakiisa sa ‘Walk for Peace’ ang Methodist church, iba’t ibang sektor sa lalawigan at ang regional Comelec office.
Ayon kay Bishop Bagaforo, ang bayan ng Carmen, Kabacan at Libongan lamang na nasasakop ng diyosesis ang magiging bahagi ng plebisito ngayong araw (Jan.21).
Inaasahan ding isasagawa ang plebisito sa ika-6 ng Pebrero hinggil sa BARMM sa iba pang teritoryo na nasasakupan ng Bangsamoro Organic Law.
Panalangin naman ni Bishop Bagaforo na maisagawa ang plebisito ng tahimik at ang pagboto ng mamamayan na ayon sa kanilang kagustuhan.
“Nawa ay bigyan mo ng lakas ng loob ang mamamayan na pumili ng ayon sa kanilang konsenya at kagustuhan. Wala kaming ibang hinihingi kundi ang iyong pagbabasbas at ang iyong pagmamahal sa aming lahat. Nawa ang lahat ng mga kababayan namin na kasama sa Bangsamoro Autonomous region ay ilayo sa masama ay yakapin mo ng iyong pagmamahal,” panalangin ni Bishop Bagaforo.
Sa kabuuan may dalawang milyon ang mga botante para sa isasagawang plebisito.
Bahagi din ng panawagan ang pagbabalik ng usapang pangkayapaan sa pagitan ng Communist Party of the Philippines at ng pamahalaan.