185 total views
Nararapat tutukan at imbestigahan ng Commission on Elections ang mga apela ng dayaan sa nagdaang halalan upang bigyan ng kredibilidad at tunay na pagkilala ang sinumang nagwagi sa naganap na eleksyon.
Hinimok ni Caloocan Bishop Emeritus Deogracias Iniguez ang COMELEC na pangunahan ang pagsusuri at pagsisiyasat sa mga akusasyon ng dayaan sa nagdaang halalan para maging buo ang pagtanggap ng publiko sa mga kandidatong tunay na nanalo.
“Kung meron silang alam na mga talagang nandaya, siguro dapat palabasin at para talagang maimbestigahan, hindi naman dahil sinabi na nandaya tatanggapin agad natin , that has to be proven through of course meron namang course na dapat daanan yun kaya ang COMELEC sa palagay ko dapat harapin nila yun, ano…” pahayag ni Bishop Iniguez sa panayam ng Radio Veritas.
Bukod dito patuloy rin ang apela ng Obispo para sa panalangin hindi lamang sa mga nanalong opisyal ng bayan kundi maging sa pakikipagtulungan ng bawat Filipino para sa kinabukasan ng buong bansa sa susunod na anim na taon.
Sa kasalukuyan halos naiproklama na ang mga nanalong lokal na opisyal habang patuloy parin ang isinasagawang canvassing para sa pinakamatataas na posisyon sa pamahalaan kabilang na ang sa pagkasenador, pangulo at pangalawang pangulo ng bansa.