164 total views
Ito ang binigyang diin ng Commission on Human Rights hinggil sa panukalang ibaba ang criminal liability age sa siyam na taong gulang mula sa kasalukuyang labinlimang taong gulang.
Ayon kay CHR Commissioner Gwendolyn Pimentel-Gana, panagutin sa batas ang mga indibidwal na kinakasangkapan ang mga menor de edad sa paggawa ng krimen at mga paglabag sa batas.
“Children are victims, not criminals. We should not punish them for society’s failure to protect them. Instead, those exploiting children should be made accountable and be the ones punished,” pahayag ni Commissioner Gana.
Mariing tinututulan ng CHR ang pagbaba sa edad ng criminal responsibility dahil makasisira ito sa kinabukasan at pagkatao ng mga kabataan.
Ipinaliwanag ni Gana na ang suliranin sa pagkakasala ng mga kabataan ay sanhi ng iba’t- ibang uri ng pagsubok sa pamayanan tulad ng kahirapan at kawalang oportunidad.
Sinalungat ng CHR ang paliwanag ng mga nagsusulong sa House Bill No. 505 na ito ay makatutulong upang wakasan ang paggamit sa mga menor de edad sa iligal na gawain.
Sa halip, iginiit ni Commissioner Gana sa pamahalaan at mga otoridad na paigtingin ang operasyon laban sa mga sindikato na patuloy ginagamit ang kabataan sa masasamang gawain.
“The best way to address this is to intensify police operations against individuals and syndicates who continue to target the vulnerabilities of children and use them as instruments for their crimes,” dagdag ng opisyal.
PALAKASIN ANG MGA PROGRAMA SA KABATAAN
Nanindigan si Commissioner Gana na sa halip na ibaba ang edad ng criminal liability ay dapat palakasin ang pagpapatupad sa Juvenile Justice and Welfare Act.
“Through more responsive solutions, we can ensure that we will give our children a good chance of having a bright future despite their failings when they were younger,” pahayag ni Commissioner Gana.
Ikinalulungkot naman ni Tricia Oco, executive director ng Juvenile Justice and Welfare Council ang hindi makataong kondisyon sa mga Bahay Pag-asa center sa buong bansa na kanlungan ng children in conflict with the law dahil sa dahil sa kakulangan ng pondo.
Inihayag ni Oco na sa 65 Bahay Pag-asa Center sa Pilipinas ay lima dito ang hindi na ginagamit.
Iminungkahi naman ni Commissioner Gana sa pamahalaan na pagtuunan ang mga Bahay Pag-asa Center dahil ito ang mabisang pamamaraan na matulungan ang batang nagkasala sa batas.
Sa panig ng Simbahang Katolika may mga pasilidad din itong pinatatakbo ng iba’t ibang kongregasyon at diyosesis na layong tugunan ang pangangailangan ng mga kabataan lalo na ang mga street children na napabayaan ng mga magulang tulad ng ginagawa ng Tulay ng Kabataan Foundation .
Mula nang inilunsad ang Tulay ng Kabataan Foundation noong 1998 umabot na sa mahigit 54, 000 kabataan ang natulungan sa 30 mga centers sa buong bansa.
Sa ilalim ng Foundation ay mayroong limang programa na naglalayong pataasin ang moral at dignidad ng mga bata, may kapansanan at mga inabandona sa lansangan.
Batay sa ensiklikal ni POpe Pius XII na Quemadmodum, mahalagang mahubog ang pagkatao ng mga kabataan habang tumatanda upang makaiwas sa masamang impluwensya ng lipunan.