223 total views
Binigyang diin ito ni Diocese of Balanga Bishop Ruperto Santos – Episcopal Coordinator ng World Apostolic Congress On Mercy Asia, sa pagsisimula ng nationwide na Philippine Apostolic Congress on Mercy sa ika-24 hanggang 26 ng Enero sa San Juan City.
Ayon sa Obispo, isang pambihirang pagkakataon ang pagdiriwang ngayong taon ng PACOM dahil kasabay nito na ipinagdiriwang ng simbahan sa Pilipinas ang Year of the Youth bilang tema ng paghahanda sa ika-500 taon ng Kristiyanismo sa bansa.
Nagbigay si Bishop Santos ng tatlong bagay na mahalagang isa puso’t isip ng mga kabataan, upang tunay na maisabuhay ang Banal na Awa ng Panginoon.
DO NOT BE AFRAID
Aminado si Bishop Santos na dahil na rin sa kapabayaan ng tao ay nasasaksihan na sa kasalukuyan ang hindi mabuting pangyayari sa kalikasan.
Sa kabila nito, hinimok ng Obispo ang mga kabataan na huwag matakot sapagkat nangingibabaw pa rin ang kapangyarihan ng Panginoon kaakibat ng mabubuting gawa ng tao para sa kapaligiran.
“Yung una ay masasabi natin na don’t be afraid. Ating masasaksihan sa kalagayan ng panahon merong mga hindi magandang nangyayari sa ating kalikasan at sa ating kapaligiran at huwag tayong matakot sapagkat mas makapangyarihan ang ating Diyos at tayo’y kan’yang sinasamahan at tayo ay kan’yang susubaybayan.” Pahayag ni Bishop Santos sa Radyo Veritas.
DO NOT WASTE YOUR LIFE
Binigyang diin rin ng Obispo na sa gitna ng lumalaganap na imoralidad sa lipunan ay matutuhan nawa ng mga kabataan na kumapit lamang sa pag-ibig ng Panginoon.
Paliwanag ni Bishop Santos hindi dapat magpadala ang mga kabataan sa tukso ng masamang bisyo, kamundohan, at kaginhawahan na nakukuha sa maling pamamaraan dahil sa bandang huli ay isinasadlak lamang nito ang mga tao sa kalungkutan, kabiguan at pagdurusa.
DO NOT WASTE THE FAITH
Hinimok din ni Bishop Santos ang mga kabataan na huwag mawalan ng pananalig sa Panginoon ngayong tinutuligsa ng marami ang pananampalatayang katoliko.
Sinabi ng Obispo na sa kabila ng pambabatikos ng mga matataas na opisyal ng pamahalaan sa simbahan ay hindi dapat mawalan ng pag-asa ang mga mananampalataya na mamamayani pa rin ang katotohanan.
Nilinaw ng Obispo na maraming pamamaraan upang maipagtanggol ng mga kabataan ang Simbahang Katolika sa pamamagitan ng mapayapang pamamaraan nang hindi nakasasakit ng kapwa.
“Ang ipapakita natin una ay ang ating pagtanggap, tinatanggap natin, nakikinig tayo at sa ating pagtanggap at pakikinig, hindi tayo gumagawa ng tahasan na makakasakit at [hindi tayo gagamit ng] matatalim na salita. Ang binibigay pa rin natin ay pang-unawa, pagtanggap at panalangin.” pahayag ni Bishop Santos
Ang Philippine Apostolic Congress on Mercy ngayong 2019 ang ikaapat na beses na pagsasagawa ng pagtitipon.
Idinaraos ito kada tatlong taon kung saan ang mga naunang kongreso ay ginanap sa Lipa City noong 2010, Misamis Oriental noong 2013, at Bacolod City noong 2016.
Kaugnay din nito ang isinagawang pagtitipon na World Apostolic Congress on Mercy na ginanap sa Pilipinas noong 2017, at dinaluhan ng mga mananampalataya at deboto ng Divine Mercy mula sa iba’t-ibang panig ng daigdig.