254 total views
Ito ang hamon ni Panama Archbishop José Domingo Ulloa Mendieta sa pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya sa pormal na pagbukas ng ika – 34 na World Youth Day.
Naniniwala ang Arsobispo sa kakayahan ng mga kabataan sa paghahatid ng pagbabago sa pamayanan gamit ang ipinagkaloob na talento ng Panginoon.
“We trust you, we expect much from you, because we are fully convinced that the true champions for the changes and transformations that humanity and the Church require are in your hands, in your capacities, in your vision of a better world,” pagninilay ni Archbishop Mendieta.
Ipinaliwanag ng Arsobispo na dapat lubusang nakahanda ang mga kabataan na harapin ang hamon sa pamamagitan ng pagninilay at pag-unawa sa pananampalatayang taglay.
Ayon sa Arsobispo, sa pagpapamana ng mga nakatatanda ng mga katuruan ng Panginoon at pagpapaunawa sa mga kabataan ay mapapanibago nila ang kawalang katarungan at hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan.
“To assume this great challenge, you must prepare yourselves in conscience knowing your personal, family, social, and cultural history, but above all your history of faith.” pahayag ni Archbishop Mendieta
Samantala, binigyang pagkilala ni Arhcbishop Mendieta ang Mahal na Birheng Maria dahil sa kawalang pag-alinlangan na tumugon sa tawag ng Panginoon na maging ina ng Dakilang Tagapagligtas na si Hesus.
Inihayag ng Arsobispo na ang buhay na pananampalataya ng Mahal na Birhen sa Diyos ang nagbigay kalakasan sa pagiging Ina ng anak ng Diyos Ama.
Pinasalamatan ng Arsobispo ng Panama ang Kaniyang Kabanalan Francisco sa pagtitiwala at pagkakataong maipagdiwang ang World Youth Day sa kanilang lugar.
Umaasa ang Arsobispo na maging daan ng paghilom ang pandaigdigang pagtitipon ng mga kabataan sa iba’t ibang uri ng hamon at pagsubok sa buhay na kinakaharap ng mamamayan, mga kabataan at katutubong komunidad.
Kinilala rin ni Archbishop Mendieta ang mga kabataang delegado dahil sa kanilang pakikiisa at pagtugon sa tawag ng Panginoon.
Buong pusong tinanggap ng Arkidiyosesis ang libu-libong delegado mula sa 140 mga bansa kabilang na ang mahigit 250 Filipinong delegado.
Tiwala ang Arkidiyosesis na maging makabuluhan ang pagtitipon ng mga kabataan na mapalalim pa ang kanilang pananampalataya sa pakikisalamuha sa kapwa kabataan.