207 total views
Pabor si Apostolic Vicariate of Puerto Prinsesa Bishop Pedro Arigo na ipatupad ang “federal form of government” sa Pilipinas.
Kumbinsido si Bishop Arigo na ito ang magpapalawak ng kaunlaran sa buong bansa at siyang magbibigay kasarinlan sa bawat probinsya at munisipalidad.
Naniniwala si Bishop Arigo na mas mapapabilis ang pagpapaptupad ng mga proyekto dahil hindi na ito kailangan pang idaan sa ilang sangay ng gobyerno na nasa Metro Manila.
“Ito yung solusyon sa tinatawag na ‘Imperial Manila’ lahat even nung mga minor decisions ay dadaan pa sa Maynila. Kaya sa Federalismo ay may certain autonomy yung probinsya at yung mga local leaders na nandoon sila sa sitwasyon. They know better yung mga problema and hopefully they can address better yung mga problemang yun sa federalism,” bahagi ng pahayag ni Bishop Arigo sa Veritas Patrol.
Tiwala ang Obispo na sa pamamagitan ng Federalismo ay tuluyang mai – angat ang buhay ng 12.1-milyong mahihirap sa bansa at maramdaman nila ang kaunlarang pangkalahatan o “inclusive growth.”
“Kailangan ang growth ng economy inclusive yun ang lagi nating sinasabi at hanggat hindi natin napapa – ayos talaga yun standard of living ng mga poor naa – alleviate ang poverty naku napakahirap na ayusin nitong bansa. Education at yung economic reforms mahalaga yan para maging inclusive ang growth. At yung mga mahihirap natin ay mahango, mataas – taas natin yung standard of living nila,” giit pa ni Bishop Arigo sa Radyo Veritas.
Nabatid na lumago ng 6.9 percent ang ekonomiya ng bansa sa unang tatlong buwan lamang ng 2016.
Ito na ang pinakamabilis na paglago ng ekonomiya mula noong ikalawang bahagi ng 2013 at di hamak na mas mataas sa 5porsyentong gross domestic product (GDP) mula Enero hanggang Marso ng 2015.