202 total views
Nanawagan sa mamamayan si Parish Pastoral Council for Responsible Voting Chairperson Henrietta De Villa na patuloy makialam sa usaping panlipunan matapos ang halalan 2016 elections.
Paliwanag ni De Villa, hindi nagtatapos ang tungkulin at papel ng bawat mamamayan sa nagdaang halalan sa halip ay mas lalo pang kinakailangan ang aktibong pakikiialam upang matiyak na maglilingkod ng tapat at tama ang mga nahalal na opisyal ng bayan.
“Yung PPCRV sa Voters Education namin, natin yung lagi ang sinasabi “Vote, Vote Wisely and the Follow your Vote” huwag niyong iwanan lang, kailangan tayo makialam. Paalala ko lang sa mga Filipino sana iwanan na yung ugali na laging pagbabatikos, batuhan ng batuhan at saka yung mga speculation, yung mistrust mabawasan na, mag-umpisa tayo ng panibago at saka and most important of all magpasalamat tayo sa Panginoon,” pahayag ni De Villa sa panayam sa Radio Veritas.
Bukod dito, nagpaabot rin ng pagbati si De Villa sa Commission on Elections at sa lahat ng mga stakeholders kabilang na sa media at mga botante na nakiisa upang maging matagumpay ang nagdaang halalan.
Dagdag pa ni De Villa, maituturing na pinakamatagumpay na halalan sa bansa ang 2016 Synchronized National at Local Election, mula ng simulang ipatupad ang Automated Election System sa Pilipinas noong 2010.
Batay sa tala ng COMELEC, naging mataas ang voting turnout sa nakalipas na halalan kung saan umabot ito sa 81.62% o katumbas ng mahigit 40-milyon mula sa 54.6 na milyong rehistradong botante ang bumoto.