189 total views
Nararapat na protektahan ang mga kabataan sa halip na ikulong at parusahan.
Ito ang pahayag ni Balanga Bataan Bishop Ruperto Santos hinggil sa panukala ng Kongreso na ibaba ang edad ng criminal liability ng mga bata sa siyam na taong gulang.
Ayon sa Obispo, mahalagang tulungan ang mga kabataan na mailigtas mula sa mga mapanamantalang indibidwal tulad ng mga sindikato na kinakasangkapan ang kahinaan ng mga kabataan sa mga iligal na gawain.
“Children should be protected, not to be prosecuted; to be helped, not to be harmed; and to be kept safe and secured in life. Let us save them first and foremost from those who lead them to crime, to scandal and to sin,” mensahe ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Iginiit ng pinuno ng Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People ng CBCP na taglay ng isang bata ang mahinang kalooban na sinasamantala ng iilan para sa masamang gawain.
Magugunitang inaprubahan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso noong ika – 21 ng Enero ang House Bill No. 505 na layong amiyendahan ang Republic Act 9344 na ibaba ang kasalukuyang edad na 15 taong gulang sa criminal responsibility sa mga kabataang nakagagawa ng paglabag sa batas.
Gayunman, matapos umani ng batikos ang panukalang batas ay inirekomenda ng Malakanyang na gawing 12-anyos ang criminal liability sa halip na siyam na taong gulang.
Dahil dito, hinimok ni Bishop Santos ang mga otoridad na paigtingin ang paghuli sa mga sindikatong responsable sa paggamit ng mga kabataan sa iligal na gawain tulad ng kalakalan ng ipinagbabawal na gamot.
“Children are by natural very vulnerable. They are very much innocent. And there are those who took advantage of their innocence, abused them and used them for evil motives. These are the people who should be arrested, prosecuted and send to jail. Not those children who are victims,” dagdag ng Obispo.
Naninindigan ang Simbahang Katolika at iba’t-ibang organisasyon na hindi katanggap-tanggap ang siyam na taong gulang upang parusahan at ikulong.
Batay sa pag aaral ng DSWD 65 porsyento sa mga kabataang nakagagawa ng krimen sa lipunan ay dahil sa kahirapan at kawalang oportunidad sa bayan.
Muling iginiit ng Simbahang Katolika na ang mga kabataan na nasasangkot sa krimen ay mga biktima at hindi mga criminal.
Read: Children are victims not criminals
Itama ang mali sa halip na ikulong
Pagbaba sa 9-taon ng criminal liability, tinutulan ng mga opisyal ng CBCP