199 total views
Nagpaabot ng pagbati si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa mga deboto ng Divine Mercy at sa lahat ng lumahok sa pagsisimula ng Philippine Apostolic Congress on Mercy sa San Juan city.
Sa kanyang pagbati at pagninilay, binigyang diin ni Cardinal Tagle ang tatlong bagay na mahalagang tandaan at gawin ng mga mananampalatayang nakatatanda at lalo’t higit ang mga kabataan.
UNA; MAKINIG SA MGA KABATAAN
Ayon kay Kardinal Tagle, mahalagang mapakinggan ang mga kabataan kung paano silang hinubog ng kanilang pamilya, mga kaibigan, ng simbahan at ng lipunan na kanilang kinabibilangan.
Sinabi ng Kardinal na dito matutukoy ang karanasan ng mga kabataan sa awa at habag ng panginoon gayundin kung paano nila naranasan ang kasawian, at kung paano nila natamo ang mga sugat sa kanilang buhay.
Naniniwala ang Kardinal na sa pamamagitan ng pakikinig sa mga kabataan ay mapalalalim ang pakikipag-ugnayan sa kanila ng simbahan at ng mga nakatatanda.
PANGALAWA; PAKINGGAN SI HESUS
Ikalawang punto ng ni Cardinal Tagle ang pakikinig kay Hesus.
Inihayag ng Kardinal na maging si Hesus ay isa ring kabataan na nakaranas ng habag ng panginoon at ng kawalang awa sa mga tao.
Sinabi ni Cardinal Tagle na isang magandang pagkakataon na mapakinggan ang karanasan ni Hesus kung paanong sa kabila ng hirap at pagdurusang dinanas ay nagawa pa rin nitong tubusin ang sangkatauhan at ibahagi sa bawat isa ang pag-ibig, awa at habag ng Diyos.
PANGATLO; MAGING MISSIONARIES OF MERCY
Matapos na pakinggan ang mga kabataan, at matapos din mapakinggan ang karanasan ni Hesus bilang isang kabataan ay hinihimok ni Cardinal Tagle ang mga mananampalataya na maging missionaries of mercy.
Sa pagtatapos ng 4th Philippine Apostolic Congress on Mercy, tiwala ang Kardinal na maibahagi ng mga dumalo ang awa at habag ng Panginoon sa kanilang kapwa.
Iginiit ni Cardinal Tagle na higit itong kinakailangan sa gitna ng lipunang humaharap sa iba’t-ibang mga suliranin tulad ng karahasan, bullying, at prostitusyon ng mga kabataan.
Sa unang araw ng PACOM 4, tinatayang umabot na sa mahigit 3,000 mga mananampalataya at deboto ng Divine Mercy ang dumalo sa pagtitipon.
Umaasa naman ang pamunuan ng Manila Archdiocesan Shrine of the Divine Mercy na magiging mabunga ang mga susunod pang araw ng PACOM 4 hanggang sa ika-26 ng Enero, 2019.