151 total views
Posibleng lumabas na sa loob ng ilang araw ang imbestigasyon ng Commission on Human Rights (CHR) hinggil sa madugong dispersal sa mga magsasaka sa Kidapawan City North Cotabato noong Abril.
Ayon kay Commission on Human Rights Chairman Jose Luis Martin ‘Chito’ Gascon, kabilang sa resulta ng imbestigasyon ng fact-finding team ni Commissioner Gwen Pimentel-Gana ay ang una na nilang ipinalabas na hindi dapat gamitan ng armas ang insidente dahil ito ay crowd dispersal at hindi law enforcement na hinahabol ang mga kriminal.
Lalabas sa nasabing resulta ng imbestigasyon kung sino ang dapat managot sa insidente.
“Actually, nagkaroon ng report galing sa team, ‘yung fact-finding teams, kinalap na ng aming commissioner Gwen Gana-Pimentel isinubmit na niya sa en banc, baka sa loob ng ilang araw lalabas ang formal report, yung mga nasabi ko dati lalabas yun like yung meron kaming findings na di kailangan ng paggamit ng armas at baril dahil usapin ito ng crowd dispersal at hindi ito law enforcement na tinutugis ang mga kirminal, may ganung findings pera paglabas ng report, matutukoy yung ilang dapat mananagot o held accountable dito.” Pahayag ni Gascon sa panayam ng Radyo Veritas.
Matatandaang nag-protesta ang mga magsasaka sa Kidapawan sa pamamagitan ng barikada sa highways upang mapansin sila ng lokal na pamahalaan sa kanilang hinaing na suporta ng bigas sa kanilang pamilya dahil hindi sila nakapagtanim bunsod ng El Nino.
Subalit sa dispersal, gumamit ng armas ang mga pulis at 3 ang nasawi, mahigit 100 ang nasugatan at mahigit 80 ang ikulong na mga magsasaka.
Ang El Niño ang isa sa malalang epekto ng climate change dahil sa labis na tagtuyot nawalan ng kabuhayan ang mahihirap lalo na ang mga magsasaka kayat sa Laudato Si ni Pope Francis mariin itong nananawagan sa sambayanan ng pangangalaga sa kalikasan upang maiwasan ang malalang epekto ng pagbabago ng klima.