183 total views
Nalulungkot ang Commission on Human Rights (CHR) kaugnay ng pagtigil ng Department of Justice sa imbestigasyon ng Davao Death Squad (DDS).
Ayon kay CHR chairman Jose Luis Martin ‘Chito’ Gascon, pansamantalang sinuspinde ang imbestigasyon dahil sa nawala ang pangunahing testigo sa DDS at dahil dito, walang matibay na ebidensiya laban sa mga bumubuo ng grupo kabilang ang president-elect na si Rodrigo Duterte.
“Malungkot dahil may isang key witness na biglang naglaho, sa DOJ need kasi may sapat na ebidensiya para magsampa ng kaso at kailangan ng witness e kaya yun ang dahilan, suspended muna habang hindi nasesecure ang mga witnesses.” Pahayag ni Gascon sa panayam ng Radyo Veritas.
Gayunman, nangako ang CHR na gagawin nila ang kanilang tungkulin sa pagkalap ng mga ebidensiya at sila ay magbibigay ng rekomendasyon sakaling may paglabag sa karapatang pantao na nasasangkot hindi lamang sa kaso kundi sa iba pang usapin ng human rights.
“Kami sa CHR gagawin namin ang aming tungkulin, tutulong sa pagkalap ng ebidensiya at magbigay ng rekomendasyon pero sa sistema ng Constitution natin walang prosecution powers ang CHR recommendatory power lang.” pahayag pa ni Gascon
Ang Davao Death Squad o DDS, ay isang vigilante group sa Davao na responsible sa mga sinasabing summary executions ng mga hinihinalang sangkot sa pagnanakaw at bawal na gamot kung saan mula 1998 hanggang 2008 ay nasa 1,020 hanggang 1,040 ang pinaslang.
Mariing kinokondena ng Simbahang Katolika maging ng gobyerno ang sinasabing gawain lalo na at sinisentensiyahan ng kamatayan ang mga indibidwal na nagkasala na isang paglabag sa kanilang karapatan na mabuhay.