174 total views
Hiniling ng Pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines sa mga mananampalataya na ipagdasal ang mga Obispo ng Pilipinas sa kanilang mga gawain.
Ayon kay Davao Archbishop Romulo Valles, mahalaga ang panalangin ng sambayanan upang mapuspos ng Banal na Espiritu ang kanilang mga pagtitipon at magabayan sa magiging desisyon.
“Let me take this opportunity to request for your prayers for us all Bishops of CBCP so that we will always be blessed by the Holy Spirit, guided by the Holy Spirit, strengthened by the Holy Spirit as we do the business and discussions of the CBCP,” pahayag ni Archbishop Valles sa Radio Veritas.
Ito ay kaugnay sa taunang pagtitipon ng mga Obispo sa bansa upang talakayin ang iba’t-ibang programa at usapin na makatutulong sa pagpapalago ng pananampalataya sa mga Filipino.
Ibinahagi ng Arsobispo na sa ika-25 hanggang ika-28 ng Enero ay magpupulong ang mga Obispo sa kanilang ika-118 plenary assembly sa Pope Pius XII.
Umaasa si Archbishop Valles na maging matagumpay ang gawain at maibahagi sa mananampalataya ang mabubuting bunga ng pagpupulong.
VISITA AD LIMINA APOSTOLORUM
Hiniling din ni Archbishop Valles ang panalangin sa nakatakdang pagbisita ng mga Obispo ng Pilipinas sa kaniyang Kabanalan Francisco sa Mayo at Hunyo ngayong taon.
Ipinagdarasal ng Arsobispo na maging mabunga ang pakikipagkita ng mga Obispo sa Santo Papa kung saan mag-uulat ito sa Pinunong Pastol ng Simbahang Katolika tungkol sa mga matagumpay na programa ng mga Diyosesis.
“We would like to request also to pray for the Ad Limina visit that will be doing, that we would have a safe trip to Rome to the Vatican and have a fruitful visit and audience with the Holy Father,” dagdag pa ng pangulo ng CBCP.
Hinati sa tatlong grupo ang mga Obispo sa Pilipinas kung saan ang unang grupo na binubuo ng mga taga Luzon ay nakatakda sa kalagitnaan ng Mayo, ang ikalawang grupo na mula Visayas ay sa mga huling bahagi ng Mayo at ang ikatlong grupo na mula Mindanao at Arkidiyosesis ng Lipa ay sa pinakahuling linggo ng Mayo hanggang ika – 7 ng Hunyo.
Batay sa tala sa mahigit 130 mga Obispo sa Pilipinas, 90 dito ang aktibo at nangangasiwa sa 86 na mga Diyosesis at Arkidiyosesis sa bansa.
PRAY FOR GOVERNMENT LEADERS
Hinimok din ng Pangulo ng CBCP ang mga Filipino na higit na ipagdasal ang mga opisyal ng pamahalaan at mga lingkod bayan upang gabayan ng Panginoon sa kanilang paglilingkod.
Ipinaliwanag ni Archbishop Valles na ang bunga ng mga panalangin para sa mga naglilingkod sa pamayanan ay makabubuti sa bawat mamamayan at umaasang pagharian at gabayan ng Banal na Espiritu sa kanilang paglilingkod.
“We include in our prayers those in government who are serving us that they will always be guided by the Spirit of the Lord that they would be touch by the Good News of Jesus so that in the end if we pray for our civic leaders, government leaders it will be for the good of all of us that they serve,” ani ni Archbishop Valles.
Unang inihayag ni Presidential spokesman Salvador Panelo na sa halip na batikusin ang kasalukuyang administrasyon, ipagdasal na lamang ito sa ikatatagumpay ng pamamahala sa bansa.
Tiniyak ng Simbahang Katolika na patuloy itong nagdadasal hindi lamang para kay Pangulong Duterte kundi maging sa lahat ng namumuno sa pamahalaan bilang pakikiisa sa pagpapaunlad ng ating bayan.