221 total views
Darating sa Pilipinas sa ikalawang pagkakataon ang Incorrupt Heart Relic ni Saint Camillus de Lellis na kilalang Patron ng mga may sakit at founder ng Order of Clerks Regular Ministers to the Sick.
Ayon kay Rev. Fr. Jose Eloja – Provincial Superior ng Camillians Philippines, isang pambihirang biyaya para sa bansa ang muling pagbisita ng hindi naaagnas na puso ni St. Camillus na hindi lamang patron ng mga may sakit kundi maging ng mga nurses, doctor at mga ospital sa bansa.
Ipinaliwanag ng Pari na ang pagbisita sa ikalawang pagkakataon ng Incorrupt Heart Relic ni Saint Camillus de Lellis ay isang magandang opurtunidad upang muling mapatatag ang pananampalataya sa Panginoon.
“Isang malaking prebelehiyo sa atin na muli bibisitahin tayo ng puso ni St. Camillus ang Patron ng mga may sakit, mga nurses, mga doctors at mga ospital at muli makakasalamuha natin si St. Camillus na siyang naging instrumento din ng Panginoon upang paglingkuran at mahalin ang mga may sakit lalong lalo na at ang pagdating ng pusong ito ay muling pagpapaalala sa ating ng pagmamahal ng Panginoon sa atin lalo na sa mga may sakit at ang debosyon natin kay St. Camillus ay mapapatatag pa natin at makakatulong ito sa ating relasyon sa ating Panginoon…” pahayag ni Rev. Fr. Jose Eloja – Provincial Superior ng Camillians Philippines sa panayam sa Radyo Veritas.
Magtatagal ng halos 2 buwan ang 404 na taong hindi naaagnas na puso ng Santo sa Pilipinas na inaasahang magtutungo sa iba’t-ibang mga Simbahan at ospital sa mahigit na 19 na mga diyosesis sa buong bansa.
Nakatakda sa ika-2 ng Pebrero ang pagdating ng Incorrupt Heart Relic ni Saint Camillus sa bansa kung saan mula sa Villamor airbase sa Pasay City ay dadalhin ito sa Our Lady of La Paz Parish sa Makati City hanggang sa ika-4 ng Pebrero.
Pagkatapos ay dadalhin ang relic sa iba’t-ibang mga ospital at Simbahan sa buong bansa hanggang ika-31 ng Marso bago ito muling bumalik sa Roma.
Kabilang sa mga pangunahing ospital kung saan dadalhin ang Incorrupt Heart Relic ni St. Camillus sa Metro Manila ay ang Philippine Heart Center, Lung Center of the Philippines, Kidney Institute at East Avenue Medical Center.
Anim na taon na ang nakalipas nang unang naganap ang Journey of the Heart ni St. Camillus sa Pilipinas noong February 18, 2013 hanggang March 10, 2013.