542 total views
Hindi lamang dapat sa edad tinitingnan ang diskriminasyon sa trabaho.
Ayon kay Anne Enriquez Geron, Pangulo ng Public Services Labor Independent Confederation (PSLIC) dapat makita rin ang ibang diskriminasyon ng mga may-ari ng kumpanya gaya ng katayuan sa buhay, hitsura, kasarian, kapansanan at iba pa.
Pahayag ito ni Geron kaugnay ng ipinasang Anti Age Discrimination in Employment Act kung saan umaasa ang grupo na malalagdaan ito ng Pangulong Aquino upang maging ganap na batas bago ito bumaba sa puwesto.
Sinabi pa ni Geron na kung hindi naman ito malagdaan dahil sa kulang na sa panahon, sila ay kikilos upang maikalendaryo ito sa pagbubukas ng susunod na Kongreso sa Hulyo.
Dagdag ng PSLIC president, dapat tingnan ng mga may-ari ng kumpanya na sa abilidad ng manggagawa tumingin at hindi sa edad, antas ng pamumuhay, pinanggalingang eskuwelahan o pisikal na hitsura
“Isa kami sa nagsusulong ng panukalang batas na yan na mag-aaalis sa diskriminasyon sa trabaho dahil sa edad, una matatawag na diskriminasyon nililimitahan niyan ang pagkakataon ng mga tao na hindi nasasakop ng mga deda na gusto ng mga kumpanya at talagang kinakailangan niyan, dapat abilidad at hindi edad ang batayan sa pagtatangap ng trabaho ng mga manggagawa…hindi kami nawawalan ng pagasa, na maipapasa ito bagamat konti na lamang ang oras, busy pa ang 2 kapulungan, June 30 speakout kami, iniaabang ang panaukalang batas na dapat maparopayprodad sa kalendaryo ng susunod na kongreso.” Pahayag ni Geron sa panayam ng Radyo Veritas.
Sa ulat ng Department of Labor and Employment, sa 15 edad pataas na populasyon noong 2015 na nasa 66.6 milyon, 41.9 milyon ang nasa labor force ng bansa.
Sa social doctrine of the Church, hinihimok ang estado na sa bawat hakbang at programa nito, kaakibat ang pag-unlad ng mamamayan lalo na ang mga manggagawa na mabigyan ng sapat na benepisyo para sa kanilang pamilya at sa kanilang dignidad.