306 total views
Pabor si Chairman Emeritus ng Employers’ Confederation of the Philippines (ECOP), Donald Dee sa plano ng bagong administrasypn na palawigin pa ang ekonomiya ng bansa sa mga lalawigan sa labas ng Metro Manila.
Ayon kay Dee, kailangan na mapalawak pa ang kaunlaran sa mga karatig lalawigan upang mabawasan ang 15 milyong populasyon sa Kamaynilaan na pawang mula sa mga probinsya na nakikipag–sapalaran sa siyudad.
“Matagal na naming hinihingi yun para ma–dispersed din ang mga tao dito sa Metro Manila sa National Capital Region dahil napakasikip, napakarami ng tao rito. Karamihan diyan galing sa probinsya na naghahanap ng trabaho eh wala namang ganoong karaming trabaho dito,” bahagi ng pahayag ni Dee sa panayam ng Veritas Patrol.
Tiwala naman si Dee na kung maipapatupad ng susunod na administrasyon ang mga programa sa imprastraktura ay makalilikha ito ng puhunan mula sa mga foreign at local investors.
Isinisi naman nito na ang Aquino administration ay natuon lamang sa mga blue print at road map ng mga proyekto na naipangako lamang ngunit nagkulang sa implementasyon.
“Kapag nalagay natin ang imprastraktura, kapag naayos natin itong cost of utility para maging pantay o malapit sa mga cost ng ibang bansa, dito sa rehiyon yung economic activities dahil magkakaroon tayo ng malaking investment about local and foreign doon magkakaroon ng opportunity. And I think malapit na tayo roon gawin lang natin itong mga programang ito na hinaharap natin i – implement natin. Dahil ang nangyari nitong nakaraang taon puro tayo blue print and road map pero sa implementation may kakulangan,” giit pa ni Dee sa Radyo Veritas.
Batay naman sa Social Weather Stations o SWS, aabot sa 10 milyong Pilipino ang kasalukuyang walang trabaho o naghahanap ng trabaho.
Nauna na ring ipinaalala ni Pope Francis na ang kaunlaran ay sinasalamin ng isang bayang kinikilala ang dignidad ng mga manggagawa sa siyang nagpapa – unlad ng ekonomiya ng bansa