200 total views
Nagpahayag ng kagalakan si Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on the Laity sa pakikiisa ng iba’t- ibang sektor ng lipunan at denominasyon ng Simbahan sa naganap na malawakang pagtitipon para sa pagtataguyod ng katotohanan, katarungan at kapayapaan.
Ayon sa Obispo, ang aktibong pakikiisa ng mga dumalo sa naganap na One Faith, One Nation, One Voice: A Gathering for Truth, Justice and Peace ay tanda na unti-unti nang nawawala ang takot ng mga mamamayan at kanilang kahandaan upang sama-samang manindigan laban sa mga pang-aabuso at maling nagaganap sa bansa.
Inihayag ni Bishop Pabillo na magandang opurtunidad ang pambihirang pagsasama-sama ng mga pari, madre, seminarista, layko, mga kinatawan mula sa iba’t ibang denominasyon ng Simbahan upang ipahayag sa mga opisyal ng bansa ang paninindigan at panawagan para sa katotohanan, katarungan at kapayapaan.
“Maganda pong tingnan na marami na galing sa iba’t ibang mga lugar at iba’t-ibang mga denominasyon, mga madre, mga pari, mga seminarista, mga layko na nagkaisa tayo dito sa pagpapahayag ng ating boses, ito’y magandang maramdaman na ngayon nawawala na ang takot ng mga tao na handa na silang manindigan at magsama-samang magsalita at sobra na itong pang-aabuso sa atin…” pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam sa Radyo Veritas.
Layunin ng naganap na One Faith, One Nation, One Voice: A Gathering for Truth, Justice and Peace sa Rajah Sulayman Plaza, Malate, Manila na ipahayag ang pagkakaisa ng iba’t-ibang sektor, relihiyon at denominasyon na mayroong iisang panawagan na bigyang paggalang ang batas, pahalagahan ang buhay, igalang ang pananampalataya ng bawat isa, wakasan na ang karahasan at bigyang solusyon ang kahirapan.
Ang naganap na pagtitipon ay kasabay ng paggunita sa Bible Month at Week of Prayer for Christian Unity na pingunahan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines at National Council of Churches in the Philippines.