250 total views
Mas pinalalawak ng Caritas Manila Segunda Mana ang mga proyektong makatutulong tustusan ang pangangailangan ng mga kabataang iskolar ng Social Arm ng Archdiocese of Manila.
Ito ay bilang tugon ng Simbahan sa tumataas na antas ng karukhaan sa Pilipinas kaya’t pinalalakas ang pagtulong sa mga kabataan na makamit ang kuwalidad na edukasyon.
Iginigiit ni Rev. Fr. Anton CT Pascual, Executive Director ng Caritas Manila at Pangulo ng Radio Veritas na ang edukasyon ang susi ng tagumpay ng isang tao.
Dahil dito, bubuksan ang ika-33 Segunda Mana outlet sa ika – 1 ng Pebrero sa Kasiglahan Phase 1, Montalban Rizal, o mas kilalang Erap City na isang komunidad ng mga informal settler.
Ayon kay Barry Camique, Program Director ng Segunda Mana, ito ang kauna-unahang community based outlet na layong mabigyang oportunidad ang mahigit 10, 000 naninirahan sa lugar na magkaroon ng hanapbuhay.
“Ang kinuha kong espasyo d’yan community based store o parang tindahan sa barangay,” pahayag ni Camique sa Radio Veritas.
Ang mga ibinebenta sa Segunda Mana outlet ay pawang mga donasyong gamit mula sa mga organisasyon, Simbahan, kumpanya at mga kilalang personalidad na mabibili ng mamamayan sa abot kayang halaga.
Tiniyak ni Camique na hindi lalagpas ng dalawang daang piso ang halaga ng mabibiling gamit sa kauna-unahang community based outlet.
Kaugnay dito inaanyayahan ng Segunda Mana ang mamamayan na tangkilikin ang mga produktong mabibili dito upang matustusan ang pangangailangan ng 5, 000 iskolar ng Youth Servant Leadership Program o YSLEP.